HANNAH JANE SANCHO
NANINDIGAN ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na hinding-hindi ipagkakatiwala ang mahahalagang impormasyon hinggil sa mga operasyon nito laban sa iligal na droga sa bansa kay VP Leni Robredo.
Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino, posibleng makompromiso ang operasyon ng kaniyang ahensiya sakaling maibigay sa hindi tamang tao o grupo ang nasabing classified informations, kahit pa aniya sa pangalawang pangulo.
“Sa pinaka simpleng explanation — kapag binigay namin ang listahan kay VP Robredo hindi na namin alam kung sinu-sino ang magkakaroon ng access sa listahan. That will compromise our negation operations,” pahayag ni Aquino.
Giit pa ni Aquino, hindi nila ipinagdadamot ang impormasyon kay VP. Leni Pero aniya, bahagi lang ito ng pagtitiyak na hindi malalagay sa alanganin ang mga impormasyon ng PDEA.
Sa katunayan ani Aquino, maging siya ay wala siyang kopya ng listahan ng mga high value target individual na sangkot sa iligal na droga pero sinisikap nitong kausapin ang kaniyang intelligence group para masigurong nagagawa ng mga ito ang angkop na hakbang laban sa mga ito.
“I myself has no copy of the list in my possession. What I am doing is I check it from time to time with my intelligence service and conduct workshops against these personalities,” aniya pa.
“Imagine what will happen to the efforts of law enforcement if that list landed on wrong hands?”
Nauna nang binalaan ni Pangulong Duterte si Vice President Robredo na aalisin ito sa pwesto sakaling isiwalat nito ang mahahalagang impormasyon ng pamahalaan laban sa mga malalaking drug traffickers sa bansa.
Fair warning
Naniniwala naman si Senador Panfilo Lacson na “fair warning” ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo na sisibakin sa puwesto oras na isiwalat nito ang ilang mga classified information hinggil sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Ayon kay Lacson, walang sinuman maging ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ang maaaring ibahagi sa iba lalo na sa foreign country ang classified information ng bansa na maaaring makompromiso ang national security.
Ani Lacson, tiyak siyang alam ng bise presidente at sinumang responsableng matataas na government officials ang basic rule sa paghawak ng classified materials.
Iginiit ng senador na maaring panagutin para sa crime of espionage ang mga lalabag.