POL MONTIBON
IGINIIT ng Department of Agriculture (DA) na hindi nila maaaring ihinto agad ang importasyon ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law.
Ito ang paglilinaw ni Agriculture spokesperson Assistant Sec. Noel Reyes kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ititigil ng pamahalaan ang rice importation sa panahon ng anihan ng mga lokal na magsasaka na apektado ng mababang farm gate price.
Ayon kay Reyes, kailangan munang amiyendahan ang batas ng rice tariffication, o di kaya’y maglabas ng executive order ang Pangulo hinggil sa plano nito.
Sinabi naman ni Finance Sec. Carlos Dominguez na hindi ikokonsidera ng gobyerno ang suspensyon ng Rice Tarrification Law lalo na’t wala pang isang taon mula nang maisabatas ito.
Sa datos ng Department of Agriculture, nasa dose hanggang trese peso kada kilo ang farm gate price ng sariwang palay, habang disisais pesos kada kilo ang tuyong palay.
Nitong nakalipas na linggo, bumaba na sa 80,000 metric tons ang pumasok na imported rice bansa mula sa 200,000 metric tons noong mga nagdaang buwan.