KABILANG sa mga lumagda sa IRR ang nasa labing anim na ahensya ng gobyerno.
MJ MONDEJAR
NILAGDAAN na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law.
Kabilang sa mga lumagda sa IRR ang nasa labing anim na ahensya ng gobyerno at iba pang organisasyon kabilang na ang MMDA, DILG, PNP, CHR, DepEd, CHED, DOLE, LTO, DSWD at Philippine Commission on Women.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros na siyang author ng batas at dumalo rin sa signing ceremony sa Ortigas, ang Republic Act 11313 ay isang game changer measure na susugpo sa gender-based harassment at karahasan sa mga pampublikong lugar.
Sinabi ni Hontiveros na dumaan sa masusing pinag-aralan ang IRR ng mga government agency, advocacy group at miyembro ng akademya.
Ipinangako naman ni MMDA Chairman Danilo Lim ang buong suporta at pagsisikap ng kanilang ahensya para sa epektibong pagpapatupad ng batas.
Sinabi ni Chairman Lim na maglalagay sila ng marami pang CCTV cameras sa Metro Manila para makatulong sa pagmonitor ng posibleng harassment sa public places.
Batay kay Sen. Hontiveros, isusulong ng nasabing batas ang positive policy, behavioral at cultural changes.
Matatandaang Abril nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bawal Bastos Law.