Louie C. Montemar
MAGANDANG paglimian na si Gat. Andres Bonifacio ay 29 taon gulang lamang nang kanyang pamunuan ang Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK.
Si Gregorio Del Pilar naman—ang Batang Heneral—ay 24 taong gulang lamang nang kitlan ng buhay sa Pasong Tirad.
Naging pangulo naman ng rebolusyunaryong pamahalaan ng ating bayan si Emilio Aguinaldo sa murang edad na 28 taon gulang. Siya ang naging una at pinakabatang pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Bilang 20-taong gulang na mag-aaral pa lamang noon, naitatag na ni Mark Zuckerberg ang matagumpay na Facebook social media platform.
Sina Marie Curie at Gabriela Silang naman ay kapwa 31 taon gulang pa lamang nang una nilang suungin ang bagay na nagpatanyag sa kanila subalit siya ring naging mitsa ng kanilang buhay—ang pag-aaral ng radiation para kay Curie. Ang rebolusyon para kay Gabriela Silang.
At siyempre pa, nariyan din ang halimbawa ng ating bayaning si Jose Rizal na naging isang ophthalmologist o doctor sa mata at isang kilalang manunulat. Sa mga paratang sa kanya ng pamahalaan, binaril siya sa Luneta at binawian ng buhay nang siya ay 35 taong gulang lamang.
Ang lahat ng halimbawang ito ang nagpapakita ng kapangyarihan ng kabataan at ang pag-asang kanilang dala para sa isang mas mainam na bukas para sa lahat.
Sa ngayon, 30 porsiyento ng populasyon ng bansa ang nasa edad na mas mababa sa 15 taong gulang. Ang median ng edad ng bansa ay 26 taong gulang lamang. Ibig sabihin nito, mga 50 porsiyento ng Filipino ang mas mababa sa 26 taon ang edad, at ang iba naman ay higit pa rito ang edad.
Para sa mga nag-aaral ng populasyon at pag-unlad, ang kabataang ito ay magandang potensiyal na makaaangat sa kalagayan ng ating bansa. Ang ibig sabihin naman nito, talagang kailangan nating mas maglaan ng yaman ng bansa para sa edukasyon at kalusugan ng ating kabataan.
Paano naman kasi tunay na magagamit ang potensiyal na lakas ng pangangatawan, talas at kabukasan ng isip, at pagkamalikhain ng kabataan kung karamihan sa kanila ay nabansot ng gutom at kahirapan?
Hindi sapat na kilalanin ang potensiyal ng kabataan. Kailangan ng mga paaralan at pamantasan para sa pagpapanday ng kanilang talino at pagpapahalaga, at napaka-esensiyal na mga ospital at iba pang pasilidad pangkalusugan upang mapangalagaan ang kanilang pangangatawan.
Sa tingin ko, lagi namang handa ang kabataan upang harapin ang hamon ng bayan at lipunan para sa kanilang hinaharap. Ang mas mabigat na tanong, handa ba ang bayan para pangalagaan ang ating kabataan?