HANGGA’T maaga piliin ang healthy lifestyle upang maiwasan ang mga karamdaman.
Ni: STEPHANIE MACAYAN
ANO ang mga karaniwang sakit o karamdaman na partikular sa mga kababaihan? Dapat alam ng bawat babae upang ito ay maiwasan?
MAYROONG mga karamdaman na maaaring mga babae lamang ang nagkakaroon, at iba naman sa kalalakihan. Malamang ay alam mo na ang mga karamdamang ito ngunit dapat alamin kung paano ito maiiwasan.
Hindi dapat maging kampante dahil walang pinipili ang mga sakit na ito, kaya ito ay ating alamin.
Breast cancer. Marami ang nagsasabi na kung madalas na nasasagi o nababangga ang dibdib ay maaring magdulot ng breast cancer. Ngunit ayon sa pag-aaral walang pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng breast cancer.
Ayon kay Dr. Maria Kaiserin Santos-Lipan sa programang Good Vibes ng DZMM, walang katotohanan ang sinasabing ang pagbunggo o pagsagi sa dibdib ng babae ay nagdudulot ng breast cancer.
Kung madalas na nangyayari ito sa ‘yo, hindi nito naaapektuhan ang trauma na natatamo ng suso.
“Ang trauma, hindi diretso, pero siyempre kahit anong bahagi ng katawan kapag paulit-ulit na… ‘yong mga cells nalilito kasi ang cancer talaga ay extra growth ng cells,” paliwanag ni Lipan.
Maging ang haka-haka na mayroong klase ng bra na nakapagdudulot din ng kanser sa dibdib ay tinalakay ni Lipan. “Dapat ang bra ay tama ang sukat, tama ang numero, tama din ang letra o ‘yong cup.”
Upang makaiwas sa breast cancer, dapat bawasan ang pag-inom ng alcohol, paninigarilyo at panatilihin ang healthy lifestyle. Makakatulong din ang breastfeeding. Iwasan din ang pagbababad sa radiation at polusyon.
Coronary heart disease. Makukuha ang sakit na ito kung mahilig sa pagkain na mataas ang cholesterol tulad ng mga fast food at processed meat.
Sa programang Magandang Gabi Dok ipinaliwanag ni Dr. Hermogenes Saludes, isang adult interventional cardiologist, na dahil sa pag deposito ng mga taba sa arteries o ang daluyan ng dugo sa puso ay nangyayari ang coronary heart disease.
“To put it simply, ang coronary heart disease ay pagkakaroon ng dahan-dahang pagka-deposito ng taba, cholesterol na nagiging plaque eventually in such a way na mas makipot na ang daluyan ng dugo papunta sa muscles ng heart,” paliwanag niya.
Maiiwasan ito kung bibigyan ng oras ang pag-aalaga sa katawan. Mag work-out, kumain ng tama, iwasan ang paninigarilyo at kung maaari ay panatilihin ang nararapat na timbang ng katawan.
Maaari rin magresula sa coronary heart disease ang stress, kaya kung maaari ay magkaroon ng positibong pakikitungo sa kapwa at iwasan ang pakikipag-away.
Lower respiratory tract infection (LRTI). Kasama ang pneumonia, bronchitis at tuberculosis sa lower respiratory tract infection. Ang mga ito ay nakakaapekto sa daluyan ng hangin.
Ang pangunahing sintomas ng taong may LRTI ay ang madalas na pag-ubo. Ang kadalasang dahilan nito ay mga substance na maaaring makairita o magpamaga sa daluyan ng hangin sa baga na nagdudulot ng impeksyon. Ito ay mga usok ng sigarilyo, alikabok, kemikal, allergen at air pollution.
Nabubuo ito sa madalas na ubo at lagnat, paghina ng immune system, kung nasa edad 65 taong gulang.
Maiiwasan ang LRTI sa pamamagitan ng maiging paghuhugas ng kamay, pag-iwas sa paghawak sa mukha kung madumi at hindi nahugasan ng maayos ang mga kamay, magpaturok ng bakuna tulad ng pneumococcal vaccine at MMR vaccine at umiwas sa mga kilalang irritants tulad ng mga kemikal, fumes at tobacco.
Osteoporosis. Isang sakit kung saan ang buto ay rumurupok; kadalasan ang mga may edad na ang tinatamaan nito.
Ayon kay Dr. Ed Santos, mula sa edad na 35 ay bumababa ang bone mass o bone density, at mas bumibilis naman ang bone loss kapag ang isang babae ay nagmenopause.
“Ang mga key risk factor para sa osteoporosis ay genetics, kawalan ng ehersisyo, kakulangan ng calcium at vitamin D, pagkakaroon ng fracture, paninigarilyo, sobrang pag-inom alcohol, history ng rheumatoid arthritis at family history ng osteoporosis,” paliwanag nito.
Ayon din kay Dr. Santos ang taong mayroong osteoporosis ay karaniwang walang sintomas, at ito ay kanila nalang nararamdaman na mayroon na pala sila nito.
Upang maiwasan ito, ipinapayo niya na itigil ang paninigarilyo, kung umiinom ng alcohol dapat ay sapat lang at hindi sobra dahil ito ay nakapagpababa ng bone formation. Iwasan ang madalas na pagsusuot ng high-heels o kahit anong matataas na sapatos na maaring ma-injure ang buto. Panatilihin din na may maayos na pangangatawan.
Upang maiwasan ang lahat ng mga sakit na ito ay panatilihing maayos ang ating pangangatawan. Bigyan ng oras ang sarili kung gusto ng mahabang buhay at magawa pa ang mga bagay na hindi mo pa nagagawa.