KUNG hirap sa paglalakad at pagtayo na sinabayan pa ng sakit ng tuhod ay maaring nagkakaroon ng arthritis.
Ni: STEPHANIE MACAYAN
KARANIWANG nagkakaroon ng rayuma o arthritis ang mga may edad na. Yoong bigla na lamang humihina ang mga kasu-kasuan o kadalasan nakakaramdam ng pananakit ng tuhod. Ano ang mga sanhi ng rayuma?
May iba’t ibang uri ng rayuma o arthritis ngunit ang isa sa pinakamahirap alagaan at lubhang masakit ay ang rheumatoid arthritis (RA).
Ang RA ay isang autoimmune disease. Inilalarawan ito bilang chronic joint inflammation kadalasan sa tuhod, kamay, daliri at paa.
Ang mga buto ang pangunahing naapektuhan ng rheumatoid arthritis. Umaabot ng ilang linggo o buwan ang mga episodes nito bago malaman ang senyales nito. Ang sanhi ng pamamaga ay maaring magresulta sa mga sintomas tulad ng mga sumusunod:
Stiffness o paninigas. Nahihirapan gamitin at igalaw ang kasukasuan. Kadalasan itong nararamdaman sa umaga.
Swelling o pamamaga. Ang fluid sa kasusuan ay nagiging malambot.
Masakit na pakiramdam. Dahil sa pagkakaroon ng inflammation sa loob ng kasukasuan ay makakaramdam ng sakit gumagalaw man o hindi. Sa paglipas ng panahon, nagdudulot ito ng matinding pinsala at sakit.
Pamumula at maiinit na pakiramdam. Ang mga kasukasuan ay maaaring maging mas mainit at magpakita ng mga pagbabago sa kulay na may kaugnayan sa pamamaga.
“Actually ang mga may inflammatory arthritis, katulad ng rheumatoid arthritis, ay nagkakaroon ng stiffness after prolonged period of immobility or rest. Usually ‘yan kapag natulog ang pasyente sa gabi, paggising nila sa umaga, may stiffness,” ayon sa isang rheumatologist.
Painumin ng pain reliever ang mga may RA upang maibsan and sakit, bumisita sa doctor para sa tamang pain reliever at para sa tamang treatment.
Bakit nagkakaroon ng sakit na ito
Ang ating cartilage ay nasa dulo ng magkarugtong na buto upang ito ay hindi magkiskisan. Kung parating nagagamit o nagagalaw ang mga kasu-kasuan hindi malabong pagdating ng panahon ito ay ninipis o di kaya ay masira.
Ang trabaho ng ating tuhod ay saluhin ang bigat ng katawan. Halimbawa, ikaw ay lumakad, tumakbo o tumalon ang pwersa ay magmumula lahat sa itaas na bahagi ng katawan at ito ay sasaluhin ng tuhod at ito ang kadalasang tinatamaan ng osteoarthritis.
Ang RA naman ay sakit sa kasukasuan na nagmumula mismo sa immune system ng katawan na umaatake sa kasukasuan. Hindi pa matukoy ng mga eksperto kung bakit ito ay nangyayari.
Upang maiwasan ito, kung ikaw ay overweight mas mainam na magbawas ng timbang at mag ehersisyo, palakasin ang mga paa at muscles sa bandang hita upang maiwasan ang pagkakaroon nito.
Maaari ring iwasan ang mga pagkain tulad ng mga processed foods dahil mataas ang trans fats nito na nagpapalala ng inflammation o pamamaga. Dapat din iwasan ang dairy products tulad ng gatas at keso dahil kahit na ito ay mayaman sa calcium, mabilis mag-react ang rheumatoid arthritis sa proteins na taglay nito. Kasama rin ang asukal sa mga dapat iwasan, dahil ito ang nagpapa-trigger para maglabas ang katawan ng cytokines. At dahil dito ay nagsisimula ang pamamaga. Kasama na rin ang fried foods, white foods tulad ng kanin, patatas, tinapay, at iba pang pagkaing white flour-based dahil hindi rin ito nakakabuti para sa may rayuma.
Tayo ay maging maingat sa mga pagkaing ating kinukonsumo, mga aktibidad, at iba pang mga factors na maaaring makaapekto sa ating kalusugan nang maiwasan ang mga sakit na lubos na makakaapekto sa kalidad ng ating pamumuhay.