AYON kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ang vape ay nagtataglay ng hindi pa alam kung anong klaseng kemikal na nakamamatay.
JHOMEL SANTOS
IDINEKLARA ni PNP Officer-in-charge Police Lieutenant General Archie Francisco Gamboa ang “NO VAPE ZONE” sa lahat ng kampo at himpilan ng pulisya.
Sakaling lumabag ang isang pulis sa nasabing kautusan ay mahaharap ito sa disciplinary action.
Magiging accountable rin ang lahat ng heads of offices at Chief of Police Units kaugnay ng vaping ban.
Sinabi naman ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac na sinumang mahuhuli sa akto na nagbi-vape ay iimbitahan lang sa presinto upang pagpaliwanagin at irekord sa police blotter.
Una nang ipinag-utos ni Gamboa ang pag-aresto sa mga lalabag sa vaping ban sa buong bansa.
Ito ay matapos ipagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang importasyon at paggamit ng vape o e-cigarette products.
Binigyang diin ng pangulo na ang vape ay nagtataglay ng hindi pa alam kung anong klaseng kemikal na nakamamatay.
Ito ang naging hakbang ng pangulo matapos maitala ng Department of Health (DOH) ang pagkakamatay ng isang babae matapos na gumamit ng e-cigarettes o vape sa Central Visayas.
Pinakukumpiska rin ang vaping paraphernalia at pag-account sa mga tindahan ng vape.
Pero nilinaw ng opisyal na kung may umiiral na ordinansa ang isang lugar kontra e-cigarette ay maaring pagmultahin ang lumabag.
Samantala, Welcome sa Department of Health (DOH) ang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbabawal nito ang paggamit at pag-angkat ng vapes.
Sinabi ni Health Undersecretary Dr. Eric Domingo na nasasabik sila na mapirmahan ng pangulo ang Executive Order na isa aniya sa sinusuportahan ng kanilang kagawaran.
Ayon kay Domingo, masaya sila na ipagbabawal na ang vape sa pampublikong lugar kung saan bawal din ang manigarilyo.
Dagdag pa ni Usec. Domingo na makikipag-ugnayan din sila mga lokal na pamahalaan at sa Philippine National Police kasunod ng utos ni Pang. Duterte na hulihin ang mga lalabag sa kautusan.