MELODY NUÑEZ
IPINAG-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-abolish sa ahensya na nakatutok sa rehabilitasyon ng Pasig River.
Iniutos ni Pang. Duterte ang “disestablishment” ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa ilalim ng Executive Order No. 93 na inilabas sa publiko kamakailan.
Nakasaad sa kautusan na ang namumuno sa lahat ng efforts sa paglilinis ng Pasig River ay ililipat sa Manila Bay Task Force na pinamumunuan ni Environment Chief Roy Cimatu.
Inatasan din ang Environment Department na tiyakin ang mga rehabilitative efforts ay sumusunod sa lahat ng kaukulang batas.
Ang Department of Human Settlements and Urban Development ang magpro-proseso sa relokasyon ng mga informal settler na malapit sa ilog habang ang Metro Manila Development Authority at Public Works Department ang mamahala sa pag-alis sa mga istraktura na nakatayo dito.
Una nang sinabi ni Pang. Duterte na hindi na kailangan ang PRRC dahil hindi na malinis pa ang Pasig River.
Kaugnay nito, nirerespeto naman ng PRRC ang naging desisyon ng pangulo at nakahanda silang makipagtulungan sa DENR at MMDA sa paglilinis ng Ilog Pasig.