ISASANTABI na ng Kamara ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang mahabang panahon ng paghihintay.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, mismong si Pangulong Duterte na ang tumanggi sa panukalang emergency powers dahil nasa kalagitnaan na ng termino ang administrasyon para masolusyunan ang problema sa trapik.
Aniya, gahol na sa panahon ang pamahalaan para maresolba ang traffic congestion bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa taong 2022.
Dahil diyan, sa halip na emergency powers, sinabi ni Cayetano na gagamitin na lamang ng Kamara ang oversight powers nito upang mapabilis ang mga proyekto at matiyak na hindi magiging problema ang right of way.
Makikipag-ugnayan din aniya sila sa mga Local Government Units (LGUs) para matiyak na matapos agad ang mga itinatayong imprastraktura lalo na ang mga mass transportation projects.
Matatandaan na taong 2016 pa ng hingin ng administrasyon sa Kongreso na mabigyan ng emergency power ang Pangulo para sa agarang pagresolba ng problema sa traffic na siya namang kinuwestyon ng ilang Senador.