ADMAR VILANDO
BIBIGYAN muli ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng panibagong 75 araw ang mga Local Government Units (LGUs) para sa road clearing operation.
Ito ang inihayag ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya matapos hindi makasunod ang mga LGU sa kanilang ultimatum na 60 araw para bawiin ang mga public road sa kani-kanilang kinasasakupan.
Ayon kay Malaya, marami pang kalsada na kailangan pang ayusin kaya ikakasa ang panibagong clearing operation na sila mismo ang tutukoy.
Una nang inihayag ng DILG na 97 mula sa 1,600 local government ang nabigong sumunod sa unang 60-day road clearing operations.
Sa kabila nito, sinabi ni Malaya na nanatili silang kuntento sa performance ng mga lokal na pamahalaan.
Matatandaang Hulyo nang ipinag-utos ni President Rodrigo Duterte sa LGU na linisin sa kahit anumang sagabal ang mga pampublikong daan.