HANNAH JANE SANCHO
BIBIGYAN ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD ng panibagong mukha o re-branding ang madugong kampanya kontra iligal na droga ng gobyerno sa pamamagitan ng Oplan Tokhang.
Sinabi ni Vice Pres. at ICAD Co-Chair Leni Robredo na kinakausap na niya si PNP Officer-in-Charge Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa at iba pang mga opisyal upang pag-usapan kung tama pa ba ang implementasyon ng Oplan Tokhang.
Ayon kay VP Robredo, kapag sinabi na-tokhang ay hindi maganda ang connotation.
Tumutukoy ang tokhang sa pagbabahay-bahay at pagkatok ng mga otoridad sa bahay ng mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng droga para sumuko at magpa-rehabilitate.
Sa kabila nito, naikabit na ito ng marami sa kaliwa’t kanang pagpatay sa mga drug suspects, kung saan damay pati ang ilang inosente.
Ayon kay Robredo, maganda raw sana ang pagkakalatag ng anti-illegal drug campaign na project: Double Barrel, pero nagkaroon umano ng pag-abuso sa implementasyon nito.
Bahagi ng Double Barrel ang Tokhang, na hango sa salitang bisaya na “Toktok-Hangyo, maliban sa project high value target.