YNA MORTEL
LUSOT sa House Committee on Ways and Means ang panukalang gawing libre ang buwis sa pagpapatayo ng ospital para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Sa House Bill 168 sa ilalim ng Section 7, magiging tax exempted ang lahat ng grants, donasyon at kontribusyon na makakalap sa mga indibidwal o kumpanya para sa pagpapatayo ng OFW hospital.
Nakapaloob rin dito na hindi pagbabayarin ng value-added tax at customs duties para sa importasyon ng mga kagamitan sa ospital na gagamitin sa operasyon ng pagamutan.
Inaasahan naman ng Department of Health (DOH) na makakapagbigay ang ospital ng comprehensive at total health care services sa lahat ng migrant workers kabilang na ang mga Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) contributors.