MARGOT GONZALES
NANANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Department of Education na ituro ang responsableng paggamit ng social media bilang bahagi ng pangangalaga sa kalusugan ng isip o mental health.
Ito’y kasunod ng pagkakaugnay ng social media at internet sa pagtaas ng mga kaso ng depresyon at anxiety sa mga kabataan.
Sinasabi kasi ng mga eksperto na ang pagbababad sa social media at kawalan ng sapat na tulog ang mga pangunahing dahilan kung bakit dumarami ang mga kabataan na nakakaranas ng anxiety o depression.
Sa tala ng Department of Health humigit-kumulang 3.3. milyong Pilipino ang may depressive disorders samantalang sa pag aaral naman ng World Health Organization, lumalabas na sa mahigit 8,000 mag-aaral sa Pilipinas, halos 17 percent ng mga mag-aaral na may edad 13-17 ang nagtangkang magpakamatay.
Iginiit naman ni Sen. Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture kailangan nang ibalik ang subject na Good Manners and Right Conduct o GMRC sa mga paaralan kung saan pwede dito ituro ang responsableng paggamit ng social media.