Louie Montemar
SABI ni Tatay, kailangan ng kamay na bakal sa mga durugista at drug lord. Sabi rin niya, may mahigit isang milyong lulong sa droga na banta sa ating lahat at dahilan ng laganap na kriminalidad. Batay sa paniniwalang ito, naging diin ng paglilinis sa ating bahay (bayan) ang pagkitil sa mga nanlaban sa mga “tagapaglinis.”
Subalit tila naging labis na marahas at madugo ang paglilinis. Higit sa lahat, sa tatlong taong kampanya, tila nabalewala ang lahat ng mga pagsisikap at dugong naibuhos—wika ngayon ni Tatay, may higit sa pitong milyong Filipino na raw ang lulong na sa droga at tila sang-ayon ang PNP dito.
Dumami pa ang mga suwail na anak?
Sa gitna ng kaguluhan, nakialam na si Nanay at nagsalitang muli. Pinuna ang marahas na kampanya laban sa droga at sinabing malinaw na hindi ito nagtatagumpay. Hinamon tuloy siya ni Tatay na kung tatanggapin niya ang responsibilidad, gagawin siyang isa sa tagapamuno ng komite ng mga tagapaglinis.
Seryoso si Tatay. Isinatitik ang hamon. Nilagay sa isang kasulatan. Tinanggap ni Nanay.
Kumusta na ngayon? May mababago ba?
Hindi pa nag-iinit si Nanay sa kanyang upuan bilang katuwang na pinuno ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), may magagandang senyales na.
Una, sinabi agad ni Nanay na “Indispensable ang body cameras. Protection ’yun sa law enforcement agents. Protection ’yun kasi ang iba sa kanila nakakasuhan nang walang basehan,” ani Robredo sa isang interbyu… (at) Mas lalong protection sa tao. [Makikita] kung ano talaga ang tunay na nangyari sa operasyon. Sa ngayon kasi, palitan lang ng accusations.”
Hindi nga ba may punto siya? Isang simple at praktikal na pangangailangan sa mga operasyon ng pulis at iba pang operatiba laban sa kriminalidad. Bilyun-bilyon ang intelligence fund ng Malakanyang. Mani lamang ang bagay na ito kung pondo ang pag-uusapan subalit talagang kailangan.
Ikalawa, nilinaw na ni Nanay na ang suliranin sa droga ay hindi lamang isang usaping pang-kapulisan o hinggil sa kriminalidad. Ito ay sosyolohikal at pangkalusugan din.
Tama! Ang ibig niyang sabihin, kailangang mas palawakin ang pag-unawa kung bakit may laganap na pagkalulong sa droga ang mga tao. Kung nais nating masugpo at hindi lamang maibsan ang drug addiction, gagawa tayo ng mga aksiyon at programa laban dito na hindi magbibigay diin lamang sa paggamit ng armas at kulungan.
Dahil dito, pinanawagan ng Nanay na palitan na ang “tokhang” ng ibang pamamaraan. Kung anuman iyon, kailangan pang linawin ni Nanay. Ang malinaw, ayaw na ayaw niyang basta papatayin na lamang ang mga suspects pa lamang.
Ikatlo, gagamitin daw ni Nanay ang mga impormasyon at iba pang resources na handa raw ibahagi ng U.S. at U.N. laban sa droga at kriminalidad sa bansa. Sa unang pulong pa lamang ng komite, nakumpirma na walang malinaw na datos ang pamahalaan hinggil sa pagkalulong sa droga. Baka nga magandang maisali ang mga naturang partido sa kampanya dahil marami silang impormasyong hawak. Sa gayon, mas maging malinaw rin sa kanila kung ano ang ating tunay na hinaharap na hamon. Hindi ba mainam ito upang maipamalas sa mundo ang sinseridad ng pamahalaan sa naturang kampanya?
Sa huling paglilimi, mainam ngang tinanggap ni Nanay ang responsibilidad na makatulong sa kampanya sa droga. Ang isang nanay ay kaya rin namang maghigpit kung kinakailangan hindi po ba? Maaaring maging mahigpit din ang Nanay—mahigpit subalit may pagmamahal. Iba rin ang haplos ng isang Nanay hindi ba? Kaya tama, si Nanay naman.