LOUIE C. MONTEMAR
NOONG 1987, isang kontrobersyal na sanaysay ang nalathala sa Atlantic Monthly mula sa Amerikanong manunulat na si James Fallows. Mapapaisip ka sa pamagat pa lamang nito na “A Damaged Culture” at may binato itong isang palaisipan para sa lahat:
“Paano nahubog ang isang lipunan kung saan pakiramdam ng mga tao ay mapalad na silang manirahan sa isang tambakan ng basura dahil doon ay may hanapbuhay sila? Kung saan may iba na sa tatlong-daang piso o $15 kada buwan ay handang maging tagabugaw lamang ng langaw para sa ibang tao? Hindi ito sa pagkakaroon lamang ng anupamang depekto sa mga tao: sa labas ng kulturang ito namamayagpag naman sila. Ang mga imigranteng Pilipino sa Estados Unidos ay mas matagumpay pa nga kaysa sa mga imigrante mula sa maraming iba pang mga bansa. Ang mga manggagawang Pilipino ay nagtatrabaho para sa mga kumpanya ng konstruksyon ng Hapon at Korea, at sila ang nagtayo ng marami sa mga hotel, pantalan, at pipeline sa Gitnang Silangan. ‘Sumisikat rin sila sa ilalim ng mga tagapamahalang Hapones,’ wika ni Blas Ople, isang beteranong politiko. ‘Ngunit kapag nagtatrabaho sila para sa mga kontratistang Pilipino, bumabagal ang trabaho.’
Hindi naman simpleng ang problema ay ang kapitalismo mismo; kahit na ang mga Pilipinong Marxista ay walang katapusan sa pagtatalo kung paano ginigiling ng kapitalismo ang mahihirap para mapakain ang mayayaman. Kung ang kapitalismo ang sanhi ng hindi pag-unlad ng Pilipinas, bakit iba ang rekord nito sa iba pang lugar sa rehiyon? Sa Japan, Korea, Singapore, at iba pa, ang kapitalismong istilo ng Asyano ay hindi lamang humantong sa mga surplus sa pangangalakal ngunit nilikha rin nito ang kauna-unahang tunay na panggitnang-uri o “middle class ng Asya. Ang mga ekonomistang Tsino ay hindi maaaring tawaging kapitalismo kung ano ang kanilang ginagawa, ngunit marami silang masasabi kung paano ang ‘mga repormang pampamilihan’ ay hahantong sa isang mas mahusay na buhay para sa karamihan ng mga tao.”
Naging mainit ang debate sa sulating ito, lalo na sa mga mag-aaral ng agham panlipunan. May mga nainis kay Fallows. May mga pumuna sa kanya batay lamang sa pamagat ng kanyang artikulo. Kung babasahin ang sumusunod na linya, tila paniniwala niyang tayo ay may “sira” o hindi matatag na kultura: “Kung ang problema sa Pilipinas ay wala sa mga tao mismo o, tila, sa kanilang pagpili sa pagitan ng kapitalismo at sosyalismo, ano o nasaan ang problema? Sa palagay ko ito ay nasa kultura…. ”
Tama ba si Fallows? Ito ang kabuuan ng isinulat niya sa bagay na ito: “Kung ang problema sa Pilipinas ay hindi namamalagi sa mga tao mismo o, tila, sa kanilang pagpili sa pagitan ng kapitalismo at sosyalismo, ano ang problema? Sa palagay ko ito ay nasa kultura, at dapat itong isipin bilang isang kabiguan ng nasyonalismo… Ito ay isang bansa kung saan ang pambansang ambisyon ay upang baguhin ang iyong nasyonalidad, wika ng isang Amerikanong boluntir sa Smoky Mountain. Tumatanggap ang U.S. Navy ng 400 Pilipinong recruit bawat taon; noong nakaraang taon [1986] 100,000 Pilipino ang nag-apply. Noong 1982, sa isang survey, 207 mga mag-aaral sa grade-school ang tinanong kung ano ang nasyonalidad na mas gusto nila. Sasampu ang tumugon ng ‘Filipino.’ ‘Walang komitment ang mga nasa taas upang maging matagumpay ang Pilipinas bilang isang bansa,’ sabi sa akin ng isang dayuhang bankero. ‘Kung gumulo ang sitwasyong pambansa, sila ang unang mawawala kasama ang kanilang salapi.’ ‘Nakikipag-ugnayan ka rito sa isang sirang kultura,’ wika ng apat na Filipin. ”
Ang katagang “sirang kultura” ay hindi mula kay Fallows na isa ngang banyaga. Galing mismo ito sa mga kababayan natin. Kung pag-iisipan, tila may punto nga siya sa kakulangan natin, kung gayon, sa nasyonalismo. Makabuluhan pa rin ang usapin ng nasyonalismo.