JHOMEL SANTOS
MAGKAKASABAY na gumawa ng resolusyon ang siyam na munisipyo sa ikalawang distrito ng Northern Samar para ideklarang persona non grata ang mga New People’s Army.
Ayon kay Captain Angel Mark Arguelles, Civil Military Operations Officer ng 20th Infantry Battalion, ang ginawang deklarasyon ng mga LGUs ay patunay lamang na pagod na sila sa karahasang dinudulot ng mga rebelde sa kanilang bayan.
Kabilang sa mga nagdeklara ng persona non grata laban sa NPA ang bayan ng San Roque, Gamay, Catubig, Las Navas, Silvino Lubos, Laoang, Mapanas, Pambujan, at Lapinig.
Tanging ang bayan na lang ng Palapag sa second district ang hindi pa gumagawa ng resolusyon.
Ang aksyon ng mga nasabing LGUs ay kasunod ng mga pag-atake ng mga rebeldeng NPA sa Northern Samar kung saan ilang sundalo kasama ang isang bata ang naiulat na namatay at nasugatan.