VICE President Leni Robredo
HANNAH JANE SANCHO
PINATITIGIL ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC si Vice President Leni Robredo sa pangangalap ng donasyon sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Ayon kay PACC spokesman and Commissioner Manuelito Luna, magiging kumplikado at umano’y kalituhan ang ginagawa ni VP Leni dahil may mga ahensiya ng pamahalaan na tumutulong kagaya ng DSWD, LGUs, non-government organizations at ng Philippine Red Cross na nagsasagawa na ng malawakang relief operations sa mga lalawigang sinalanta ng pagyanig sa Mindanao.
Sinabi pa ni Luna, na mayroon nang nakalaang pondo ang pamahalaan at iba pang ahensya para sa mga biktima ng kalamidad kaya hindi kailangan na mag-solicit pa ng donasyon ang Office of the Vice President at hindi rin aniya maaaring pahintulutan ang mga tanggapan ng pamahalaan gaya ng OVP na mangalap ng donasyon, cash man ito o mga gamit.
Aniya, sakaling ipilit ng Bise Presidente ang pangunguha ng donasyon, bilang pribadong indibiduwal ay hihilingin nila sa COA at sa Ombudsman na imbestigahan ang OVP.