MARGOT GONZALES
PINATUTUTUKAN sa gobiyerno ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Alternative Learning System (ALS), ang parallel learning system ng Department of Education (DepEd) patungo sa formal education system sa bansa.
Ito ay matapos lumabas sa isang pag-aaral na isa sa bawat sampung Pilipino o sampung milyon ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang hindi makabasa at makasulat.
Sinabi ni Gatchalian na dapat makinabang sa programa ang nasa 24 na milyong Pilipino na may edad kinse pataas na hindi nakapagtapos ng high school.
Ayon sa senador, na bagama’t tumaas ang bilang ng mga nag-enroll sa ALS sa mga nakalipas na taon, marami pa ring potential learners ang hindi naaabot ng programa.
Dagdag pa ni Gatchalian na dapat matiyak ang kalidad ng pagtuturo ng ALS, kaya mahalagang magsagawa ng training program para sa mga guro ng ALS.