HANNAH JANE SANCHO
LUMABAS sa New York Times nitong Nobyembre 12 ang isang news article kaugnay sa irreversible damage na natamo ng isang 17 taong gulang na lalake dahil sa vaping.
Ayon sa artikulo na isinulat ni Denise Grady kinailangan magsagawa ng double-lung transplant ang pasyente sa Henry Ford Hospital sa Detroit para isalba ang buhay nito.
Beyond repair kung ilarawan at posibleng ikamatay ng pasyente kung hindi isinagawa ang agarang lung transplant ayon Kay Dr. Hassan Nemeh na siyang nanguna sa surgical team.
Kung ganito kalala ang natamo ng isang menor de edad na vape user paano pa kaya ang mga matagal nang naninigarilyo na naging vape users?
Ilan kasi sa mga gumagamit ng vape ay nais alisin ang paninigarilyo sa buhay nila kaya pinalitan ito ng vaping.
Pero ayon sa pagaaral ng John Hopkins Ciccarone Center for the Prevention of Heart Disease, mataas pa rin ang risk sa kalusugan ng mga gumagamit ng vape kasunod na rin ng outbreak ng lung injury na naidudulot nito.
Base din sa kanilang pagaaral, masama ang epekto ng vaping hindi lamang sa lungs kundi pati na rin sa puso dahil sa nae-expose sa iba’t ibang klase ng chemical ang mga vape users.
Nitong Nobyembre 15, kinumpirma ng Department of Health ang kauna-unahang kaso ng vape-related injury sa bansa na naitala sa Central Visayas.
Isang 16 na taong gulang na babae ay nagtamo ng electronic cigarette or vaping associated lung injury o EVALI.
Nitong Marso lang nang simulan ng pasyente ang paggamit ng flavored liquid e-cigarettes araw-araw sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan na kalaunan ay sinasabayan pa ng paggamit ng sigarilyo.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque non-asthmatic ang pasyente at walang indikasyon na gumagamit ito ng ipinagbabawal na droga.
Base sa guidelines na inilabas ng Atlanta based Centers for Disease Control napatunayan na EVALI ang diagnosis ng batang babae.
Nitong Oktubre naospital ang pasyente dahil sa biglaan itong nakaranas ng severe shortness of breath at ipinasok sa intensive care unit dahil sa nangailangan ito ng oxygen supplementation.
Nitong Agusto iniutos ng DOH at Food and Drug Administration sa lahat ng government hospitals sa bansa na ireport ang kaso ng e-cigarettes at vaping related lung injury kasunod ng pagtaas ng kaso nito sa Estados Unidos.
Dahil dito hindi na nakapagtataka ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal ang paggamit ng vape sa lahat na pampublikong lugar kasabay din sa utos na ipagbawal ang importasyon nito.
Kumbinsido si Pangulong Duterte na toxic ang paggamit ng vape at ang gobyerno ay may kapangyarihan na gumawa ng hakbang upang protektahan ang kalusugan at interes ng publiko.
Nagbabala si Pangulong Duterte na kaniyang ipapaaresto ang mga gagamit nito kasabay ng direktiba nito sa mga law enforcement agencies na hulihin ang sinumang gumagamit ng vape sa pampublikong lugar.
Una nang nanawagan ang DOH sa pag-ban sa vaping kasunod ng babala nito sa publiko na hindi pa napapatunayang epektibong nicotine replacement therapy ang vaping dahil pwede rin kasi itong magdulot ng sakit sa baga.
Ilang mga vape shops ang nagsara dahil sa utos ni Pangulong Duterte gaya ng mga nasa lungsod ng Taguig.
Ayon sa Business Permit and Licensing Office ng Taguig City Government, patuloy silang magsasagawa ng surprise check sa mga vape establishments.
Hindi bababa sa 10 ang nahuli ng National Police Region Police Office (NCRPO) kasunod ng nationwide vaping ban.
Tiniyak ni NCRPO Chief PBGen. Deboid Sinas na kasama sa top priority nila ang pagpapatupad ng ban sa vaping.
Sa Central Visayas naman ay daan-daang vaping device at e-cigarettes ang nakumpiska ng mga pulis ilang araw matapos ang utos ng Pangulo.
Habang ang Bureau of Customs naman ay nagbigay ng katiyakan na hindi nito pahihintulutan ang pagpasok ng vaping products sa bansa.
Gayunpaman kinukwestiyon ng Integrated Bar of the Philippines ang mga ginagawang pag aresto.
Maging ang ginawang babala ni Pangulong Duterte sa mga huwes na huwag suwayin ang utos nito sa pamamagitan ng paglalabas ng restraining order ay tinaasan din ng kilay ng ilang kritiko ng administrasyon.
Para naman kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, “Nullum crimen sine lege,” o walang krimen kung wala namang batas ukol dito.
Sinabi ni Rodriguez na kailangan munang gumawa ng batas ang Kongreso bago magpatupad ng utos ang Pangulo na nagbabawal ng pagbebenta at paggamit ng e-cigarettes at iba pang vaping device.
Marahas man para sa local e-cigarette industry ang direktiba ni Pangulong Duterte, walang masama sa desisyon nito na nais protektahan ang kapakanan at kalusugan ng publiko lalo na ang mga menor de edad.
Karamihan ng mga natatamaan ng mga vaping related lung injury ay mga menor de edad.
Nagpahayag naman ang e-cigaratte industry association na handa itong makipagtulungan sa gobyerno para magkaroon ng regulasyon sa paggamit ng vape at e-cigarettes.
May ilang grupo na nagsusulong ng responsible vaping at ilang mambabatas ay pumapabor na ipagbawal na ibenta ang paggamit ng vape products sa mga menor de edad.
Pero di tulad ng sigarilyo mas mabilis ang masamang epekto sa kalusugan ng mga vape users na inaabot lang ng ilang buwan.
Marahas man ang hakbang na ito, kung maraming buhay ang maisasalba, sapat na itong dahilan para suportahan ang utos ng Pangulo.