Papasok na naman ang Bagong Taon, kaya’t simula na naman ng paghahanda ng mga New Year’s resolution.
Ni: Jonnalyn Cortez
ILANG araw na lang at matatapos na naman ang taon. Kasabay ng pagpasok ng 2020 ang pagbabagong-buhay ng marami sa atin. Ika nga, “Bagong taon, bagong buhay.” Kaya, uso na naman ang New Year’s resolution.
Bukod sa mga karaniwang pagbabawas ng timbang, pagtitipid at pagpapakabait, ano pa nga ba ang laman ng New Year’s resolution natin? Eto ang ilan pa sa mga kakaibang pwede mong idagdag na pagbabago ngayong Bagong Taon.
- Ibahagi sa iba ang iyong resolution
Ibinahagi ni Dr. Oz na may ilang pag-aaral na nagsasabing ang pagbabahagi ng iyong goal o resolution sa bagong taon sa ibang tao ay parang pagsasabing naisagawa mo na ito. May iba namang pananaliksik na inilahad na ang pagbabahagi ng iyong progreso sa iba ay makakatulong upang tuluy-tuloy mo itong gawin.
- Magtanim
Maaari mong simulang magtanim ngayong darating na taon. Sinasabing ang pagkakaroon ng halaman sa loob man o labas ng bahay ay nakakapagpababa ng level ng stress. Nakapagpakalma rin ang pag-aalaga ng halaman ng autonomic nervous system at nakakapagpababa ng blood pressure. May mga pag-aaral din na kapag ang isang tao ay nagtatrabaho ng may malapit na halaman, mas makakaramdam sila ng concentration at satisfaction. Idagdag mo pa rito na pinapaganda ng halaman ang quality ng ating hangin.
- Huwag gawin ang maraming bagay ng sabay-sabay
Ang paggawa ng iba’t-ibang bagay sabay-sabay ay makakapagdulot lamang ng stress. Imbis na mapabilis ka sa maraming gawain, lalo ka lamang mapapabagal. Kaya, mas magandang tapusin muna ang isang bagay na kailangan mong gawin bago magsimula ng panibago. Ayusin ang mga bagay na kailangan mong gawin at maglaan ng oras sa bawat isa nito. Matatapos na ang iyong gawain ng mas madali at epektibo, hindi ka pa stress.
- Ugaliing Gumamit ng Hagdan
Maglaan ng 10 minuto o ugaliing gumamit ng hagdan sa opisina, mall, o kahit pa sa bahay. Sa isang pag-aaral mula sa “Physiology & Behavior,” napag-alamang nakakapagbibigay ng karagdagang lakas ang pag-akyat sa hagdan sa loob ng 10 minuto sa mga pagod ng babae kumpara sa mga uminom lamang ng kape o ng softdrinks. Maganda rin itong ehersisyo sa katawan.
- Madalas bigyan ng papuri ang sarili
Marami sa atin ang hindi binibigyang papuri ang sarili at madalas pa ngang ikinukumpara ang ating kakayanan sa iba. Kaya ngayong Bagong Taon, mas bigyang papuri ang iyong sarili. Laging angkinin ang bagong araw na darating, maging positibo, at pasalamatan ang iyong sarili. Wika ng psychologist na si Joy Harden Bradford, makakatulong ang “positive self-talk” upang mas mabigyan mo ng pansin ang mga positibong bagay sa iyong buhay.