YNA MORTEL
NIRATIPIKAHAN na ng Kamara at Senado ang expanded sin tax law sa huling araw ng kanilang sesyon kamakailan.
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Albay Rep. Joe Salceda, mahigpit nilang binusisi ang pag-amyenda sa batas na posibleng sa susunod na limang taon pa muli itong maamyendahan.
Sinabi ni Salceda na ipinasok na nila sa inamyendahang batas ang iba pang sakit na mabibigyan ng dagdag na tulong sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) law.
Kabilang sa mabibiyayaan sa pinalawak na batas ang mga may mental health problems, tuberculosis, cancer, kidney disease, maliban pa sa dati nang covered nito na heart disease, diabetes at cholesterol issues.
Kukunin ang pondo nito mula sa buwis sa iba’t-ibang uri ng alak, sigarilyo at maging sa vape e-cigarettes.