PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac
ADMAR VILANDO
MINOMONITOR ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang nasa dalawampu’t dalawang ninja cops na sangkot sa pagre-recycle ng iligal na droga.
Ayon kay PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac, kabilang ang nasabing mga ninja cops sa dating walumpu’t pito na tiwaling pulis na sangkot sa illegal drug trade.
Sinabi ni Banac na ang ilan sa nasabing bilang ay nagretiro na at dalawampu’t dalawa na lamang ang aktibo sa serbisyo na kanilang binabantayan.
Nilinaw ni Banac na ang pinakamataas na ranggo na kasama sa listahan ng PNP-IMEG ay police major at hindi heneral o colonel tulad ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang din umano sa dalawampu’t dalawang ninja cops ang dalawang lieutenant at labing siyam na non-commissioned officer.
Paglilinaw pa ni Banac na ang nasabing mga pulis ay bukod pa sa labing tatlong ninja cops na sangkot sa Pampanga raid noong Nobyembre 2016 na una nang kinasuhan ng administratibo at kriminal.