NI: Pastor Apollo C. Quiboloy
ANG kaluluwa ay napakahalaga. Ilan sa inyo ang naniniwala na mayroon tayong kaluluwa?
Ang ilan ay makipagtalo sa akin na magsasabing, “Naniniwala lamang ako sa mga bagay na aking nakikita. Isa akong taong maprinsipyo sa katotohanan at naniniwala lamang ako sa aking nakikita. Hindi ko nakikita ang kaluluwa ko at hindi ko ito pinaniniwalaan dahil mayroon akong siyentipikong pag-iisip. Napakasiyentipiko ko sa lahat ng mga bagay at kailangan itong mapapatunayan na may ebidensya. Wala akong nakikitang pruweba na mayroon akong kaluluwa dahil hindi ko ito nakikita.”
May mga bagay sa mundong ito na hindi niyo nakikita datapuwa’t hindi kayo maaaring maging neutral sa mga ito. Sino sa inyo ang nakakikita na ng kuryente? Ang mga kable, ang konduktor para sa kuryente, ngunit ang kuryente ay hindi nakikita, ngunit mararamdaman ninyo ito. Subukan ninyong ipasok ang inyong kamay sa isa sa mga socket na may dumadaloy na kuryente. Walang maglalakas loob na gumawa niyan dahil hindi ninyo nakikita ang kuryente ngunit nararamdaman ninyo ito. Kapag nakukuryente kayo, tumatayo ang inyong buhok sa dulo. Sasabihin ninyo, “May kuryente doon, nakuryente ako.” Ngunit hindi ninyo ito nakikita. Nakita lamang ninyo ang mga kable, ngunit hindi ninyo nakikita ang enerhiyang dumadaloy sa mga kableng iyon.
Nakakakita na ba kayo ng hangin? Wala sinumang nakakakita ng hangin. Bakit minsan ay masasabi ninyong napakalakas ng hangin kahit na hindi ninyo ito nakikita? Nakikita ninyo ang epekto ng hangin kapag ito ay humahampas sa mga punongkahoy, sa ibabaw ng bubong o kapag ito ay humahampas sa inyo. Naniniwala kayo sa hindi ninyo nakikita ngunit ito’y nararamdaman ninyo.
Ang Panginoon ay Espiritu
Ang Panginoon ay espiritu at hindi ninyo Siya nakikita, ngunit nadadarama ninyo Siya. Ang Salita ng Panginoon ay nagsasabi na ang Panginoon ay pag-ibig. Hindi ninyo nakikita ang Panginoon, ngunit kapag nasusumpungan at nararamdaman ninyo ang Kanyang pag-ibig para sa inyo upang mailigtas ang inyong kaluluwa, iyan ang Panginoon na kumikilos sa inyong buhay.
Ilan sa inyo ang nagmamahal ng mga bata? Minamahal niyo ba ang inyong pamilya? Mga asawang lalaki, minamahal ba ninyo ang inyong asawang babae? Mga asawang babae, minamahal ba ninyo ang inyong asawang lalaki? Ang pag-ibig na ‘yan ay bahagi ng Panginoon sa inyo dahil ang namumuong pag-ibig, ang pag-ibig na nagbibigay sa inyo ng kabutihan at kabaitan sa mga taong inyong minamahal, ganyan ang Panginoon.
Ang sakdal na larawan
Nang siya ay dumating sa pamamagitan ng Bugtong na Anak dalawang libong taong nakalilipas, Siya ay dumako sa krus, iyan ay sakdal na larawan. Nais Niyang maligtas kayo at Kanyang binayaran ang halaga dahil mahal Niya ang inyong kaluluwa. Kahit na hindi niyo nakikita ang Panginoon, nanampalataya kayo sa Kanya. Siya ay dumating at ang salita ay nagkatawang tao dahil ang Salita ay ang Panginoon, na nagkatawang tao, at naninirahan na kasama natin na puno ng grasya at kadakilaan. Kanyang binayaran ang halaga upang Kanyang mabawi muli ang naiwala sa hardin ng Eden sa pamamagitan nina Adan at Eba – ang ating unang mga magulang sa laman.
Ang Sonship at ang Kingship
Kanyang binawi muli ang Sonship at ang Kingship na naiwala. Kanyang tinapos at nakumpleto ang misyon na binigay ng Panginoon sa Kanya. Sa panahong naibalik ang Sonship at Kingship, Kanya itong ibabalik sa karapat-dapat na tagapagmana – ang nagkasalang lahi ni Adan.
Lahat tayo ay kuwalipikado para rito. Ang mga taong unang tinawag ay hindi nauunawaan ang mensahe ng Panginoon sa kanila. Hindi nila nawawatasan ang kaligtasan na Kanyang sinasabi. Kanilang isinulong at ininterpreta ang sarili nilang kaligtasan na malayo sa nais ng Panginoon na gawin sa tao hanggang sa ako’y Kanyang tinawag at sakdal kong naunawaan ang ibig Niyang sabihin.
Nang Kanya akong ipinadala sa buong mundo, kinukuha ko ang inyong atensyon upang pansamantalang ilayo ang pagkatuon ninyo mula sa materyal at pisikal na mga bagay at hayaan nating buksan ang ating isipan. Dapat nating buksan ang nabubulagan nating mata upang makita ang sakdal na kalooban ng Ama, upang inyong makita una ang espirituwal sa pamamagitan ng pakikinig sa Kanyang mga Salita. Kaya Kanyang sinabi, “Hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”