Louie C. Montemar
Libu-libong bike rider ng Angkas.ph ang pumarada at nagtipon kamakailan lamang at nananawagang suportahan sila sa nakaambang pagkatanggal nila sa nasabing platform. Anong mayroon sa Land Transporation and Regulatory Board (LTFRB) at sa halip na makatulong, tila pinahihirapan pa nito ang mga biyahero o komyuter at mga namamasadang Pinoy? Natatanong natin ito dahail itinakda kasi ng nasabing ahensiya na bawasan ng 17,000 ang 27,000 bilang ng mga Angkas rider. Bakit?
Walang malinaw na dahilan. Ang lumalabas sa mga ulat, may isang Inter-agency Technical Working Group na pinangungunahan ng isang LTFRB board member—si retired Police Major General Antonio Gardiola Jr.—ang nagtakda na bawasan ang bilang ng Angkas rider para maging 39,000 lamang ang bilang ng mga motor na nagseserbisyo gaya ng Angkas.
Mayroon daw dalawang bagong serbisyo gaya ng Angkas—ang JoyRide at Move It. Maganda raw na may kompetisyon. Kung gayon, tila sinasabi ng LTFRB na mas mainam daw na gawing patas ang kompetisyon sa serbisyo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga slots at babawasan dapat ang sa Angkas. Ano raw? Paano iyan nakatulong? Kulang pa ang bilang ng driver at motor ng dalawa at hindi hamak na maganda ang safety record ng Angkas drivers. Nasa 99.99 % ang safety record ng Angkas! Ilipat daw sa dalawa ang mga driver ng Angkas na maaalis rito. Ha?
Saan ba nag-aral ng economics ang mga nagtakda ng desisyong nakukwestyon ngayon? Makatarungan ba ang hatol na ito? Saan kukuha ngayon ng kagyat na ikabubuhay ang 17,000 pamilyang apektado ng hatol ng LTFRB-TWG na ito? Nakakatulog ka pa ba Heneral? Higit sa lahat, nasubukan na po ba ninyong mag-Angkas?
Aaminin ko, noong una, medyo maganit sa aking tanggapin ang ideya ng isang ride-hailing service na binubuo ng mga motorsiklo. Tingin ko, hindi ligtas at maaksaya sa gas, dagdag sa polusyon at bilang ng mga traffic violations. Kalaunan, sa dami ng mga nakilala kong gumagamit ng serbisyo, napabilib din ako. Nang mabasa ko ang isang sulatin sa naging kasaysayan ng pagbuo ng Angkas, mas lalo pa ang humanga rito. Hindi man ako gumagamit halos ng Angkas, alam kong napakalaking tulong nito sa lahat.
Ngayon, kung kailann magpapasko pa man din, may banta sa serbisyo ng Angkas. Kung maaalala natin, hindi ba may kawangis na karanasan tayo sa maling pagtrato sa Uber at sa mga kawangis nitong serbisyo?
Noong 2016, nang una akong gumamit ng serbisyong Uber, mula sa amin sa Malate sa Maynila patungong Sta. Mesa ay mga 80 piso lamang ang singilan. Uber na ito—maganda at malinis ang mga kotse at magalang ang mga tsuper. Nagbukas ang LTFRB ng slots para sa ibang serbisyo gaya ng Uber at Grab. Wala ring silbi ang mga ito at ngayon Grab na lamang halos ang natira. Magkano na ang Grab mula sa amin sa Malate patungong Sta. Mesa? Tatlong daang piso kadalasan, minsan higit pa. Pero kung mag-Angkas ka, nasa higit 100 piso lamang, higit na mapabibilis ka pa sa pagbiyahe.