ANG buhay ay hindi lang tungkol sa pagtatrabaho, tungkol din ito sa kung paano tayo magiging masaya.
Ni: CHAMPAIGNE LOPEZ
SA ating buhay, napaka-importante ng oras dahil ang panahong lumipas na ay kailan man hindi na maibabalik pa, kaya naman bawat segundo, minuto, oras ay dapat nating pahalagahan.
Habang ang oras ay tumatakbo, tayo rin ay tumatanda kaya huwag natin sayangin ang ating buhay nang walang nagagawa para sa ating sarili.
Pumunta sa mga lugar na nais puntahan. Nagtatrabaho tayo upang kumita ng pera panggastos sa araw-araw, para na rin matulungan ang ibang tao at sarili natin. Ngunit tandaan na hindi habang buhay ay kailangan magtrabaho, dahil kung minsan ay kailangan din natin magbakasyon. Hindi lang para magpahinga kundi para na rin mag-enjoy. Sa araw-araw na walang tigil na trabaho, deserve natin ang magbakasyon kahit minsan.
Gawin ang sariling hilig. Lahat tayo ay may talentong binigay ng Diyos, ngunit marami sa atin ang natatakot na ilabas ang mga ito, kung ang nais mo ay sports, arts, music, dancing, acting at iba pa, kailangan mong simulan na hanggat malakas pa at kaya pa ng iyong katawan. Huwag mo hayaan na dumating ka sa puntong pagsisisihan mo kung bakit hindi mo ginawa. Tandaan na mas okay nang magkamali kasya hindi man lang sumubok.
Mag-ipon para sa pagtanda. Kapag tayo ay tumanda na mas nagiging mahina na ang ating katawan at nagkakaroon nang iba’t-ibang sakit kaya kapag dumating ang panahon na hindi na natin kayang magtrabaho, mayroon pa rin tayong madudukot para sa ating mga gastusin. Mahalaga ang pag-iipon, hindi pa man natin alam kung saan natin gagamitin ito ngunit ang mahalaga alam natin na mayroon tayong mapagkukuhanan sa oras ng pangangailangan.