EDITORIAL NI HANNAH JANE SANCHO
NAKAKAPANLUMO ang naging resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) na nilahukan ng 79 na mga bansa.
Ito ang unang pagkakataon na lumahok ang Pilipinas sa PISA.
Panghuli ang Pilipinas sa reading habang second to the last naman ito sa math at science.
Maituturing na ba ang resulta na ito na nasa crisis ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas?
Ang PISA ay isang grading sysem na pinangunahan ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD).
Layunin ng isinagawang pagsusulit na nilahukan ng nasa 600,000 na 15 taong gulang na mga estudyante sa iba’t ibang bahagi ng mundo na sukatin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa reading, math at science.
Nasa 7,233 na mga mag-aaral sa Pilipinas na nag-aaral sa private at public schools ang sumali sa dalawang oras na pagsusulit.
Ang resulta, bagaman nakapanlulumo ay isang katotohanan na dapat tanggapin natin at ituring na wake up call.
Alam na natin ngayon kung saan dapat nakatutok ang Department of Education — kailangan iangat at palakasin ang kaalaman ng mga mag-aaral sa reading at comprehension, pati na rin sa science at math.
Isa sa nakikitang lubhang malaking problema sa sistema ng edukasyon sa bansa ang kakulangan ng magagaling at dedikadong mga guro.
Sa bansang Finland, hindi basta-basta ang pagiging isang guro. Sa katunayan, ang mga nasa top one-third lamang ng mga nakapagtapos ng high school ang maaring mag apply sa kolehiyo para kumuha ng kurso para maging teacher.
Ang mga aspiring teachers sa Finland ay kailangan mag-aral ng limang taon at kailangan magkaroon muna ng master’s degree bago sila pormal na makapagturo.
Kaya naman mataas ang pagtingin sa mga guro sa Finland at malaki rin ang kanilang sweldo.
Sa Pilipinas, ang mga nais maging guro ay kailangan gumugol ng apat na taon sa kolehiyo, tatlong buwan na on the job training sa public school at pumasa sa board examination para sa mga teacher o LET.
Pero sa kasamaang palad, hindi maganda ang resulta ng LET. Sa mga kumuha ng elementary LET nitong Marso 2019 wala pang 13 percent ang pumasa. Ang first timers ay nasa 26 percent, habang 82 percent naman sa mga takers ay repeaters.
Mayorya naman sa mga nakapasa sa LET ay nag-aral sa mga unibersidad sa Metro Manila.
Indikasyon na ito na kailangan ayusin ang kalidad ng pagtuturo at pagsala sa mga nais maging guro sa bansa.
Kung nais natin mag produce ng mga magagaling na mag-aaral kailangan din mag invest tayo ng malaki sa mga magtuturo sa kanila.
Matuto tayo sa ginawa ng bansang Finland na patuloy ang pamamayagpag sa PISA.
Patuloy pa rin naman ang pagkilala ng maraming bansa na magaling ang mga manggagawang Pilipino pero sa ganitong kahihinatnan ng assessment ng PISA sa mga estudyante natin kaugnay sa reading, math at science ay hindi na nakapagtataka kung unti-unting bababa ang magiging kalidad ng mga susunod na henerasyon ng mga manggagawang Pilipino na mangingibang bansa.
Base sa PISA ang mga estudyante lang na may kaya sa buhay ang nabibigyan ng pagkakataon na makapag-aral sa mga magagandang eskwelahan.
Pero sa bansang Finland at Estonia pantay-pantay ang lahat ng mayayaman anuman ang estado sa buhay pagdating sa mga paaralan.
Sana ganito rin sa Pilipinas pagdating ng panahon.
Bagamat masakit tanggapin ang resulta ng PISA isa rin itong realidad na dapat gawan ng agarang hakbang.
Napag-iiwanan na tayo sa maraming aspeto ng mga karatig bansa natin sa ASEAN.
Pati na rin sa edukasyon ay napag-iiwanan na rin ang Pilipinas.
Maliban sa DepEd, mismong mga magulang din ang siyang dapat din gumawa ng agarang hakbang.
Tutukan at palakasin ang inyong mga mag-aaral pagdating sa reading at comprehension pati na rin sa math at science. Nagmumula ang lahat sa tahanan. Ang pagtuturo sa mga bata ay responsibilidad hindi lang ng mga guro kundi ng mga magulang din.
Kung kailangan may katuwang sa pamilya na tumulong sa mag-aaral para matuto sa kanilang mga asignatura, mas maganda ito kaysa hayaang maubos ang oras nila sa bahay sa harap ng telebisyon at sa pagtutok sa mga gadgets.
Kung may budget pa ay hanapan ng tutors o i-enrol sa mga tutorial centers ang mga mag-aaral. Crucial ang mga nasa pre-school at mga grade schoolers. Maganda na mula sa murang edad ay maganda na ang standard ng pagaaral ng mga estudyante.
Kailangan din makapag produce ang Pilipinas ng problem solvers sa harap ng maraming problemang kinakaharap nito na hindi kayang resolbahin ng kasalukuyang administrasyon.
Kaya dapat simulan na ito sa mga magaaral ngayon na siyang magmamana sa mga problemang hindi mareresolba ngayon.
Kailangan ng Pilipinas ng maraming innovators, researchers, economists at iba pa.
Sila ang magsisilbing katuwang ng gobyerno sa paghahanap ng solusyon sa mga kinakaharap at kakaharapin pang problema sa bansa.
Gayunpaman, imposibleng hindi ito kayang gawan ng paraan ng mga Pilipino na paangatin ang kalidad ng edukasyon. Hindi pa huli ang lahat. Kailangan lamang ng agarang pagkilos at masusing paghanap ng pangmatagalang solusyon.
Kung sama-sama natin itong haharapin at magtutulong-tulong ang gobyerno, pribadong sektor at kung sino pa na nais tumulong ay kaya nating paangatin ang resulta ng PISA sa susunod nitong gagawing assessment makalipas ang tatlong taon.