KASAMA sa buwanang dalaw ng mga kababaihan ang masamang pakiramamdam na maari rin namang maiwasan.
NI: MARILETH ANTIOLA
ANG matinding sakit sa puson ang isa sa mga problema ng mga kababaihan tuwing sasapit ang kanilang buwanang dalaw o regla. Bukod sa magastos ito, para ding wala silang ganang kumilos, pagod na pagod, wala sa wisyo o wala sa mood.
Nararanasan ang pagsakit ng puson dahil ang mga muscle sa matris ang nagre-relax at nagco-contract para makatulong sa paglabas ng lining ng uterus, at ang lining na ito ang nagsisilbing dugo tuwing may buwanang dalaw ang isang babae.
Ilan sa maaring gawin upang mabawasan ang menstrual pain at sakit ng puson:
Mag-ehersisyo. Dapat mag-ehersisyo araw-araw at hindi lang tuwing sasapit ang buwanang dalaw. Isama ito sa normal na bahagi ng lifestyle upang kapag may regla o buwanang dalaw ay mas magaan ang pakiramdam.
Kumain ng masustansiyang pagkain. Ilan sa mga ito na dapat isama sa diet araw-araw ay ang isda at gulay kasama na ang pipino; mga prutas tulad ng pakwan, papaya, saging at avocado; almond at walnut pati na peanut butter; brown rice at dairy products.
Uminom ng maraming tubig. Mainam ang pag-inom ng maraming tubig araw-araw upang manatiling hydrated dahil sa dami ng fluids na nailalabas ng katawan. Nakakatulong ito upang mapaayos at mapaganda ang dugo sa katawan. Inirerekomenda ang walong baso ng tubig sa buong araw.
Magpahinga. Nakakawala ng lakas ang pagkakaroon ng dysmenorrhea o matinding sakit ng puson. Iwasan din ang labis na physical activities o paggawa ng mga mabibigat na trabaho at bawasan ang social activities tuwing may buwanang dalaw upang makapagpahinga rin ang katawan. Huwag magpuyat.
Kung hindi parin nawawala ang sakit na nararamdaman, mas mabuti na pumunta sa malapit na ospital o center o komunsulta agad sa doktor dahil baka ito ay mauwi sa malalang komplikasyon kung hindi agad maagapan.