MARGOT GONZALES
LUSOT na sa Bicameral Conference Committee ang panukalang karagdagang buwis sa sigarilyo, alak at e-cigarettes o vape.
Sa panayam kina Senate Committee on Ways and Means Senadora Pia Cayetano at House Committee on Ways and Means Joel Salceda sinabi ng dalawa na nagkasundo na ang dalawang kapulungan ng kongreso para sa karagdagang buwis sa sigarilyo, alak at e-cigarettes matapos ang mahaba-habang talakayan sa bicam na ginanap sa senado.
Napagkasunduan ng dalawang kapulungan na patawan ng karagdagang buwis ang distilled alcohol o ang mga hard drinks tulad ng brandy, whisky, vodca at iba pa ng P42 kada litro simula sa susunod na taon 2020 , P47 sa 2021, P52 sa 2022, P59 sa 2023 at P66 sa taon 2024.
Papatawan naman ng karagdagang buwis ang fermented alcohol tulad ng beer ng P35 kada litro simula 2020, P37 sa 2021, P39 sa 2022, P41 sa 2023, at P43 sa taon 2024.
Nakatakda rin na patawan ng karagdagang buwis ang sigarilyo ng P25 kada kaha sa loob ng limang taon.