Louie C. Montemar
MILYUN-MILYON sa atin ang patuloy na walang access sa malinis na tubig at maayos na sewage system. Sa paglobo ng ating populasyon, lalo lamang tumitingkad ang kakapusan ng bansa sa tubig. Dahil sa malalang kalagayang pangkalusugan na kaakibat nito, ilang henerasyon ng mga Filipino ang patuloy na natatali ng matinding karukhaan. Bilang paglalarawan, higit sa 800 na bata limang taon at pababa ang namamatay araw-araw dahil sa mga sakit kaugnay ng sanitasyon at kakulangan sa malinis na tubig.
Sa ganitong kalagayang mala-krisis, lalo lamang tumitindi ang pangangailangan ng bansa ng isang pamumunong maalam at may tunay na pagsasa-alang-alang sa interes ng lahat. Ito ba ang nakikita natin sa kasalukuyang administrasyon?
Sa unang tingin, parang nakakabilib nga ang pagmamatigas ng pamahalaan sa harap ng sinasabing mataas na singil sa tubig at sa ilang taon nang pamamayagpag ng iilang mga mayayamang pamilya—ang oligarkiya—na may control sa distribusyon ng tubig lalo na sa kalakhang Maynila. Ang mga mabibigat at matalas na salita mula sa Malakanyang ay parang tubig na pangtighaw sa mga taong uhaw sa pag-asa. Tila nakakita sila ng isang kampiyon sa Malakanyang.
Subalit ito nga ba ang tunay na sitwasyon?
Sa kabilang banda, maaaring tignan na tila batang nagdadabog ang pamahalaan at sinasabing dinaya siya ng kanyang mga kalaro. Hindi naman kasi biro ang pagtatayo, pagpapalago, at pag-aalaga sa isang sistema ng patubig na dati ay higit pa ngang hindi episyente ang pagseserbisyo. Kung magiging patas tayo sa Maynilad at Manila Water, dapat din isipin natin na malaki na rin naman ang naiambag nila sa paglawak ng lugar na napaglilingkuran sa patubig.
Sa pag-atras naman ng mga distributors na ito sa pagtataas ng singil sa kuryente at sa pagkolekta ng dapat na makukuha sana nilang kabayaran mula sa pamahalaan dahil sa isang kasong kanila namang ipinanalo laban sa kasalukuyang administrasyon, lumalabas na may sapat na kapangyarihan ang Malakanyang upang itakda ang presyo ng tubig. Iyon nga lamang, sa kalaunan, maaring binabansot naman ng desisyong ito ang pag-unlad ng sistema at serbisyo sa tubig sapagkat lumiliit ang kapital na maipupuhunan sa pangangalaga at pagpapalago nito.
Higit pa dito, makaaapekto rin sa tiwala ng mga namumuhunan sa ating bansa ang biglaang pagpapawalang-bisa ng mga kontratang kaugnay ng nasabing usapin, lalo na’t may tila pinapaborang ibang mamumuhunang korporasyon ang nakaupo—ang PrimeWater na hindi rin naman kapuri-puri ang rekord sa mga lugar na siniserbisyuhan nito sa ngayon.
Higit sa lahat, kailangan mailinaw na ang pinakamalalang suliranin sa ngayon ay ang kakulangan ng panggagalingan ng sapat na tubig at hindi lamang ang distribusyon nito. Dito, walang ibang masisisi ang pamahalaan kundi ang sarili nito. Hindi nito handang tugunan ang suliranin na ito. Lubos na kakailanganin pa rin niya ang kooperasyon ng lahat, maging ng pribadong sektor na sa ngayon ay nagsisilbing tila pamunas lamang ng kanyang dumi.
At, hindi lamang krisis sa tubig ang mayroon ngayon; mayroon rin tayong krisis sa pamamahala.