IKAW lamang ang tanging makakatulong sa sarili upang maipamalas ang iyon kakayahan.
Ni: CHAMPAIGNE LOPEZ
KINUKWESTYON mo ba ang iyong sarili dahil mas magaling ang iba sa iyo? Pinanghihinaan ka ba ng loob dahil may mga bagay na nagagawa ng iba ngunit hindi mo magawa? Kung oo ang sagot mo, ang artikulong ito ay para sa iyo.
Lahat ay matalino, lahat ay may talento, lahat ay may kakayahan. Nagkakaiba-iba lang tayo dahil sa ating paraan nang pag-iisip. Napaka makapangyarihan ng ating kaisipan. Maaari tayong dalhin nito kung saan man natin naisin kaya naman gamitin natin ang ating kaisipan upang tayo ay umunlad.
Mindset. Ang tamang mindset ang makakapagpabago sa atin. Karaniwan inilalagay natin ang sarili natin sa kung hanggang saan lang tayo o hanggang saan lang ang kaya natin, minsan rin ay kinukumpara natin ang sarili sa ibang tao kung kaya’t tayo ay nakakaramdam ng selos, kawalan ng pag-asa at kalungkutan.
Ngunit unang-una, kailangan natin baguhin ang ganitong pag-iisip, dahil kung iniisip natin na magagawa natin yung ginagawa ng ibang tao ay tiyak na magagawa rin natin ang kaya nilang gawin. Kailangan lang nating magsumikap at magtiwala sa sarili. Walang taong hindi matalino dahil lahat napag-aaralan basta’t gugustuhin mo at pipiliin mong matuto.