MJ MONDEJAR
MULING hinimok ni Albay Rep. Joey Salceda ang mga kasamahan niya sa Kongreso na agarang pag-apruba sa panukala na lilikha ng Department of Disaster Resilience.
Ang panawagan ni Salceda ay ginawa kasabay ng pananalasa ng malakas na Bagyong Tisoy sa Bicol Region partikular sa kanyang distrito sa Albay.
Ani Salceda, matutugunan ang kawalan ng sistematikong komunikasyon at kakulangan ng mga pasilidad ng mga OCDs sa bawat rehiyon para makapaghatid ng update sa mga lalawigang sinalanta ng kalamidad sa ilalim ng bubuuing departamento.
Aniya, kung maitatatag ang DDR ay magkakaroon na rin ng autonomous system ang Office of Civil Defense (OCD) kung saan magiging tuluy-tuloy ang palitan ng komunikasyon at para rin malaman kung anong tulong ang kinakailangan na ipadala sa mga lugar na binagyo.
Bukod dito, isasabay din ang upgrade sa mga kagamitan na ginagamit sa pagmomonitor sa anumang uri ng kalamidad.
Dahil dito, ipinunto ng kongresista ang kahalagahan na maipasa ang DDR Bill sa lalong madaling panahon para sa centralized dispatching ng relief operations, response, rescue at recovery efforts ng pamahalaan laban sa anumang uri ng kalamidad na tatama sa bansa.