MJ MONDEJAR
UMABOT na sa mahigit 5,500 ang bilang ng mga nasawing drug suspect mula nang mag-umpisa ang war on drug ng Administrasyong Duterte.
Sa Real Numbers press conference ng PNP at PDEA sa Malacañang, sinabi ni PDEA Spokesman Derrick Carreon na umabot na sa 5,552 ang mga nasawi mula Hulyo 1, 2016 hanggang Nobyembre 30, 2019.
Pumalo naman sa 220,728 ang bilang ng mga naarestong drug suspect sa mahigit 151,000 na ikinasang anti-illegal drugs operations sa buong bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, nasa 8,185 ang naarestong high value targets kung saan 222 ay mga dayuhan, 297 ay elected officials, 82 ay uniformed personnel at sampu ay mga celebrity o kilalang personalidad.
Batay din sa kanilang datos, umabot na sa P40.39 bilyon ang halaga ng mga nakumpiskang iligal na droga.
Habang nasa 433 na mga drug den at clandestine laboratories ang na-dismantle ng PDEA at PNP.
Sa kaparehong petsa, nasa 16,706 na mga barangay ang idineklarang drug cleared sa buong bansa.