HANNAH JANE SANCHO
WALA nang extension ng Martial Law sa buong Mindanao.
“The Office of the President wishes to announce that President Rodrigo Roa Duterte is not extending martial law,” pahayag ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesman Salvador Panelo.
Ayon sa tagapagsalita ng Palasyo ang desisyon ni Pangulong Duterte ay base sa rekomendasyon ng kaniyang defense officials.
“His decision is based on the assessment of the security forces as well as the defense advisers that the terrorists and extremist rebellion have been weakened as a result of the capture or neutralization of their leaders, as well as a decrease in the [number of] index crime[s],” saad ni Panelo.
Ang naging basehan naman ng rekomendasyon ay ang paghina na ng antas ng terorismo sa buong rehiyon ng Mindanao at ang bumaba rin na crime index.
Lunes ng gabi nang nakaraang linggo nang magpatawag ng joint command conference si Pangulong Duterte sa Malakanyang. Dinaluhan ito ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. Sa okasyong ito ibinaba ng pangulo ang kanyang desisyon.
Nakatakdang mag-lapse ang pag-iral ng martial law sa Mindanao sa December 31 matapos ang tatlong taon na implementasyon nito.
Matatandaang una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na naisumite na nila kay Pangulong Duterte ang rekomendasyon na huwag nang palawigin pa ang martial law.