Ang pagkain nang sama-sama ang susi sa pagiging masagana at masayang pamilya.
Ni: CHAMPAIGNE LOPEZ
PAGKALIPAS ng isang buong araw mula sa trabaho o eskwelahan, talaga namang masayang umuwi sa bahay nang may masarap na ulam na naghihintay sa hapag kainan lalo na kung magkakasama pang kumain ang buong pamilya.
Ang pagluluto ng masarap na pagkain ay nakakaapekto sa pagiging masagana at masayang pamilya lalo na kung ito ay masustansya. Dahil ang pagkakaroon ng magandang kalusugan ay nakakatulong upang maging positibo ang bawat indibidwal at kung may positibong pag-iisip ang bawat miyembro ng pamilya ay magiging masagana at masaya ang bawat araw na magkakasama.
Mga dapat gawin
– Alamin kung ano ang paboritong pagkain ng iyong asawa at mga anak; siguraduhin na ito ay masustansya at nakakaganda sa kalusugan.
– Bigyan ng gawain ang bawat isa katulad ng paghuhugas ng plato, paglinis ng pinagkainan at iba pa.
– Sa oras ng pagkain, iwasan pansamantala ang mga distraksyon tulad ng paggamit ng cellphones at iba pang gadgets.
– Ugaliin ang pagkain nang sabay-sabay nang sa gayon ay makapag-kwentuhan at kumustahin ang mga nangyari sa mga kapamilya sa buong maghapon.
Ang masayang pamilya ay sama-sama sa hapag kainan, nagtutulungan at sumusuporta sa bawat isa. Ano man ang estado sa buhay, hindi kailan man mapapalitan ang tunay na pagmamahalan ng isang pamilya.