OPISYAL nang nakalipat ang nasa 1,400 pamilya na dating naninirahan sa tabing ilog ng Las Piñas at Parañaque sa isang disente, ligtas, accessible at dekalidad na pabahay sa Ciudad de Strike 2, Bayanan Molino sa Bacoor Cavite.
Pinangunahan ni Social Housing Finance Corporation (SHFC) President, Lawyer Arnolfo Ricardo Cabling, Mayor Lani Mercado-Revilla, Cavite 2nd District Representative Strike Revilla at Ciudad de Strike Homeowners Association Inc. President Florencio Parader ang ceremonial turnover ng symbolic key sa housing facility.
Naging posible ang housing project sa pamamagitan ng memorandum of understanding sa pagitan ng SHFC at ng City government ng Bacoor para magkaroon ng quality and community-driven shelter solutions sa ilalim ng SHFC’S flagship program na Community Mortgage Program o CMP.
Ang CMP ay isang mortgage financing program ng SHFC na siyang tutulong sa mga kapos at homeless na mamamayan na makabili at makapag-develop ng tract of land sa ilalim ng konsepto ng community ownership.
Ang Ciudad de Strike 2 ay mayroong 20 three-storey buildings at ang bawat isang building ay may kakayahang mag-accommodate ng nasa pitumpu’t dalawang pamilya.
Nagkakahalaga naman ng 648 milyon pesos ang proyekto na nagsimula noong Hulyo taong 2016 at nakumpleto nitong Setyembre ngayong taon.