EDITORIAL NI HANNAH JANE SANCHO
PINANGANGAMBAHAN na posibleng hindi masunod ang timeline na inilatag ng gobyerno para sa pagpapatupad ng national ID system dahil sa kakulangan ng budget para sa taong 2020.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, walang budget na inilaan ang gobyerno sa programmed portion ng proposed 2020 national budget.
Pero sa unprogrammed appropriation, sinabi niya na may inilaang 2.4 billion pesos ang gobyerno na nakasalalay naman sa kung makakakuha ng panibagong loan o kita ang gobyerno.
Ayon kay Recto, kapag nagmaterialize ang 2.4 billion pesos, tinatayang nasa 6.3 million na Pilipino lang o kalahati ng tinatarget ng gobyerno para sa taong 2020 ang makarerehistro sa national ID system.
Target ng gobyerno sa 2020 na makapagtala ng 14 million na Pilipino na marerehistro sa national ID system.
Kapag nagkulang ang budget at hindi nakuha ang target na bilang ng mga Pilipino na maipapasok sa national ID system, magkakaroon ito ng domino effect.
Nakakabagabag na isiping minadali ng Kongreso ang pagsasabatas ng National ID Law matapos itong sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte sa layunin na bigyan ang lahat ng Pilipino ng valid ID.
Maganda ang layuning ito ng gobyerno na target sa loob ng apat na taon na mapasailalim ang nasa 120 milyong Pilipino at resident aliens at nasa 10 milyong overseas Filipinos sa Philippine Identification System (PhilSys) sa loob ng apat na taon.
Napakagandang layunin pero kung ang implementasyon nito ang titingnan ay napakalamya ng gobyerno kung madidiskaril ang target ng programa dahil sa kakulangan ng pondo.
Sa orihinal na plano ng gobyerno nasa 14 milyong Pilipino ang maipapasok sa national ID system sa 2020 habang 52 milyon naman sa 2021 kasama na dito ang nasa limang milyong Pinoy na nasa ibang bansa.
Ayon sa planong ito, pagdating ng 2022 nasa 44 milyon na local residents ang ipapasok sa national ID system dagdag pa ang limang milyon pang mga Pilipino na nangibang bansa.
Bagong estratehiya ba ang kakailanganin ng gobyerno upang hindi madiskaril ang national ID system?
Sana hindi maging drawing lamang ang plano ng gobyerno at agad na gawan ito ng paraan upang hindi mabago ang timeline ng programa at maisulong ang pagkakaroon ng national ID ng nasa 110 milyon na mga Pilipino.