HANNAH JANE SANCHO
SERYOSONG inamin ni Pangulong Duterte na nagtapon siya ng mga bangkay ng mga drug lord sa Manila Bay, Laguna Bay at sa bangin ng Tuba, Benguet.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pag-amin sa kaniyang talumpati sa Malakanyang kamakailan.
Ito ay para kontrahin umano ang paratang ng mga kritiko na nabigo ang kanyang kampanya kontra iligal na droga na madakip ang malalaking drug lord sa bansa.
Sinabi ni Duterte na may mga namatay ng drug lords subalit hindi aniya ito napapaulat.
Binanggit din ng pangulo na may ilang mga drug lords ang brutal na napaslang sa mga police dragnet operation pero may ibang nagtatago tulad ni dating Iloilo Mayor Jed Mabilog.
Tinukoy ng pangulo ang mga napaslang na sina dating Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog, Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, suspected drug lord Melvin Odicta na napaslang dahil sa iligal na droga.
Binigyang diin pa ng pangulo na tinatakot lang niya ang mga kalaban sa pulitika o sa kanyang giyera laban sa iligal na droga at katiwalian para pigilin ang mga ito sa iligal na gawain.