Senador Imee Marcos
TROY GOMEZ
NANAWAGAN si Senador Imee Marcos sa DepEd, DoH, at DSWD na umarangkada na sa kanilang mga programa sa edukasyon at nutrisyon, dahil kulelat na ang Pilipinas sa reading comprehension o pag-unawa sa pagbabasa, ayon sa isang international report.
Ang nasabing international report ay base sa isang pagsusulit ng Program for International Student Assessment sa mga 15-anyos na estudyante sa 79 na bansa.
Sinabi pa ni Marcos na mukhang hinuhulaan lamang ng DepEd kung ano ang mga pinaka-epektibong programa para sa mga mag-aaral dahil kulang na kulang ang ahensya sa datos tungkol sa pag-enrol hanggang sa pag-gradweyt ng mga estudyante.
Sinabi pa ni Marcos na ang kakulangan ng mga guro sa K-to-12 at pag-apaw ng mga estudyante sa mga silid-aralan ay dagdag problema na dapat pag-isipan ng DepEd upang mas maengganyo ang mga may balak maging guro.
Dagdag pa ni Marcos na 30 porsyento ng utak ng isang bata ay hindi nadedevelop kung kulang sa nutrisyon mula sa ipinagbubuntis pa lang ito hanggang ika-5 anyos, base na rin sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute.