HANNAH JANE SANCHO
HANDA ang gobyerno na malugi ng P2-B para sa pagbili ng lahat ng rice produce ng mga lokal na magsasaka sa hangad na mapabuti ang kalagayan ng mga ito.
Sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagbisita sa Elderly Wellness Center sa Taguig City kamakailan, sinabi nito na mapapasaya nila ang mga magsasaka kapag sinimulan ng Agriculture Department ang pagbili sa domestic rice.
Kamakailan nang nilinaw ni Agriculture Acting Secretary William Dar na sa halip na suspendihin ang rice importation tulad ng unang sinabi ng pangulo ay paiigtingin na lamang ang pag-iisyu ng Sanitary and Phytosanitary (SPS) import clearances lalo na kapag harvest season.
Ipinag-utos ng Pangulo sa National Food Authority (NFA) na taasan ang emergency buffer stock ng bansa sa 30 araw mula sa 15 araw sa pamamagitan ng pagbili ng maraming palay sa mga magsasaka.
Paliwanag ng Pangulo, pinayagan niya ang pagbili sa ani ng mga magsasaka para makaiwas sa gulo.
Nais aniyang punuin ng Department of Agriculture ang mga warehouse ng bigas para maparami ang suplay sa halip na hayaan ang bansa na maharap sa shortage at magutom ang publiko.
Aniya hindi magiging problema ang madaming bigas dahil kakainin pa rin naman ito.
Pinauubaya naman ng chief executive sa Kongreso ang paghahanap ng paraan na kinakailangang pondo para sa Local Rice Acquisition Program para maibsan ang problema ng mga magsasaka.