Louie C. Montemar
NAKADISENYO ang isang demokratikong pamahalaan upang tiyakin na may mananagot sa kung anumang usapin na sumulpot sa pamamahala ng lipunan.
Mananagot? Managot? Oo, salitang ugat: Sagot. Sino ang mananagot sa pagkaubos ng puno sa ating mga bundok? Sino ba ang sasagot sa usapin ng mataas na tantos ng buwis? Sino ang mananagot sa kalagayan ng trapiko sa Kalakhang Maynila? Sino ang mananagot sa paglaganap muli ng polio, measles, at dengue?
Sa ating Konstitusyon, malinaw na dapat managot ang bawat sangay ng pamahalaan sa iba pang sangay. Ang mga natalagang opisyal ay mananagot sa nagtalaga sa kanila at sa taong-bayan, samantalang ang mga nahalal na opisyal ay mananagot sa taong-bayan. Kung gayon, sa huling pagtutuos, mananagot ang lahat ng nasa pamahalaan sa taong-bayan.
Hindi ba mainam na malinaw kung sino ang mananagot kapag may mga bagay na dapat kaharapin sa ating mga pamayanan o bayan? Kung malinaw kung sino ang mananagot sa isang suliranin o alalahanin, mas madali tayong makatutugon bilang isang grupo—may pokus ang pagkilos at may direksiyon ang galaw.
Dagdag pa rito, kung hindi umuusad ang pagkilos sa isang usapin o kung hindi epektibo ang nagiging pagtugon sa isang suliranin, mababago agad ang pagkilos at pagtugon, o kung kinakailangan pa nga, palitan kung sino ang responsable sa maling pagkilos o pagtugon.
Hindi naman natin nais na magsayang ng oras at yaman sa mga mali o tiwaling pagkilos. Ayaw natin ng palpak at tiwaling pamumuno, hindi po ba?
Kaya nga napakahalaga ng ideya ng pananagutan o pananagot—sa Ingles, accountability.
Itinutulak nga ng marami ang transparency sa pamahalaan dahil dito. Transparent—nakikita o naaaninag. Mahalaga sa isang demokrasiya ang nakikita o nalalaman ng taong-bayan kung sino ang gumagawa ng anuman para maiwasan ang palakasan, pagnanakaw o pagpabor sa mga piling tao, at iba pang uri ng katiwalian. Halimbawa ng transparency ang simpleng pagpapaalam sa lahat ng impormasyon tungkol sa badyet ng gobyerno o ng mga yunit nito, maging ng mga lokal na gobyerno.
Sa mga tanggapan ng pamahalaan, makikita nga natin ang mga pagpapaskil ng mga alituntunin hinggil sa proseso ng pagseserbisyo sa tao. Malinaw na may mga takdang oras dapat sa paggawa at pagsagot sa mga tanong at kahilingan. Pananagot ito.
Sa paggamit ng yaman ng bayan, may mga takdang paper work at may mga mahigpit na limitasyon sa pondo. Kapag naglabas ka ng pera, marami kang lalagdaan. Kailangan ng resibo. Pananagot ito.
Sa kahit anong programa at proyekto ng pamahalaan, mayroong responsableng opisyal ay may dapat na managot. Halimbawa, sa paghahanda sa SEA Games, sino ba ang dapat na managot kung may mga pagkukulang at katiwalian man? Naging matagumpay man ang pagpapatupad nito sa kalakhan, kung may mag kwestiyon sa paggamit ng bilyun-bilyong pondo para rito, sino ba ang dapat na managot?
Dahil dito, huwag natin basta tuligsain ang mga pumupuna sa mga gawain ng pamahalaan. Kailangan ng isang malusog na demokrasya ang mga pagtuligsa. Ang demokratikong pamamahala ay nakatuntong sa pananagutan. Ang demokratikong pamamahalaan ay nakatuntong sa pangangalaga sa interes ng publiko — ng lahat, at hindi ng iilan.