MJ MONDEJAR
LUSOT na sa House Committee on Government Reorganization at sa House Committee on Overseas Workers Affairs ang substitute bill na lilikha ng sariling departamento para sa Overseas Filipino Workers o OFWs.
Sa isinagawang joint committee hearing, inaprubahan na tatawagin bilang Department of Filipino Overseas and Foreign Employment (DFOFE) ang bagong ahensya dahil tututukan nito ang OFWs at lahat ng mga Pilipino na nasa ibang bansa.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng Technical Working Group na siyang bumalangkas sa nasabing panukala, hahawakan ng itatayong ahensya ang OFWs na nasa ibang bansa, Balik Manggagawa o OFWs na nakabalik na sa Pilipinas, pamilya ng mga OFW at lahat ng Pilipinong nasa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Samantala, tinatayang nasa 54% ng mga Pilipino sa ibang bansa ay migrante, 37% ang pansamantalang manggagawa o kilala bilang OFWs habang 7% naman sa mga ito ang hindi dokumentado.
Sa ilalim ng panukala, ituturing ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) bilang pangunahing kinatawan ng DFOFE dahil ito ang may kasanayan sa paghawak ng mga tauhan.
Magiging mga sangay na ahensya naman ng magiging bagong departamento ang Commission on Filipino Overseas at Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.