JHOMEL SANTOS
IGINIIT ni Vice President Leni Robredo na sapat ang labing walong araw niyang paninilbihan bilang Co-Chair ng Inter-Agency Committee on Illegal Drugs (ICAD) para magbigay ng rekomendasyon kung paano mapabuti ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ito ang tugon ni VP Robredo sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na hindi sapat ang kaunting panahon na pananatili ng bise presidente sa ICAD para makakuha ng “good picture” ng war on drugs.
Sinabi ni Robredo na napaka-igsi ng labing walong araw, pero hindi raw nito sinayang ang oras at panahon para magtrabaho ng husto.
Matatandaan na sa kaniyang ulat sa bayan, sinabi ni VP Robredo na bigo ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ayon kay PDEA Chief, Director Gen. Aaron Aquino, hindi actual data mula sa law enforcement agencies ang tala na iprinisinta ni Robredo.
Paliwanag naman ni Robredo, hindi na niya isinama sa kanyang report ang mga unofficial information.