US President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin (Photo from Army RumourService)
QUINCY JOEL CAHILIG
PINASALAMATAN ni Russian President Vladimir Putin si US President Donald Trump sa pagbibigay ng intelligence information na nakatulong sa pagsugpo sa terorismo sa Russia, ayon sa isang pahayag ng Kremlin.
Ayon dito, nag-usap ang dalawang top leaders sa telepono, bagama’t di nagbigay ang ahensya ng iba pang mga detalye ng talastasan.
Iniulat ng Russian media agency na Tass ang pag-aresto sa dalawang Russian nationals. Plano umano ng mga ito na magsagawa ng pag-atake sa malakihang pagtitipon sa pagsalubong ng Bagong Taon sa St. Petersburg.
Noong December 2017, pinasalamatan din ni Putin si Trump sa pagbibigay babala nito kontra sa terrorist plot sa St. Petersburg; nasupil din ang isang planong pag-atake dahil dito.
Naging maasim ang relasyon ng Washington at Moscow pagkatapos ng kontrobersya sa Crimean Peninsula sa Ukraine noong 2014 at dahil sa panghihimasok ng Kremlin sa 2016 US presidential election.
Nguni’t sa kabila nito, naging maayos ang personal na pakikipag-ugnayan nina Trump at Putin sa isa’t-isa. Patuloy din ang kanilang pakikipagtulungan kontra sa terorismo.