CHERRY LIGHT
IGINIIT ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi kailangan ng isang batas sakaling ipatupad ng Pilipinas ang pag-obliga sa mga Amerikano na kumuha muna ng Philippine visa bago makapasok sa bansa.
Sinabi ni Panelo na maaaring ipatupad ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng isang Executive Order (EO).
Ayon kay Panelo, hindi naman magiging bias ang bansa sa pagbibigay ng Philippine visa sa mga American citizen basta’t sundin lamang ng mga ito kung ano ang mga requirements o itinatakda ng panuntunan sakaling ipatupad na ito.
Pahayag ito ni Panelo bilang tugon sa pagbabawal ng US na makapasok sa kanilang bansa ang mga opisyal ng pamahalaang Pilipino na may kinalaman sa pagpapakulong kay Senador Leila De Lima.
Batay sa tala ng Department of Tourism (DOT), nasa 872,335 US tourists ang pumasok na sa Pilipinas sa loob ng sampung buwan noong nakaraang taon ng 2019.