Louie C. Montemar
SA ilang dekada ko ng pagtuturo, marami na akong narinig na klase ng pag-unawa sa tinatawag na quality education. Ito ang matunog na usapin sa sektor ngayon dahil lumahok sa 2018 cycle ng Program for International Student Assessment (PISA) ang ating Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).
Ang PISA ay isang pandaigdigang pagtatasa sa kaalaman ng mga 15-taong gulang na mga mag-aaral na malapit nang magtapos mula sa batayang edukasyon. Ginaganap ito tuwing ikatlong taon. Programa ito ng pang-Europeong institusyong Organization for Economic Cooperation and Development (OECD). Sinusuri dito ang kakayahan ng mga mag-aaral na magamit sa “pang-araw-araw na mga sitwasyon” ang mga kaalamang dapat sana ay natutunan nila mula sa pormal na paaralan.
Nakababahalang malaman na napakababa ng mga iskor na nakuha ng ating mga mag-aaral sa PISA. Mula sa mga Filipinong mag-aaral ang pinakamababang iskor sa pagbasa, at pangalawang pinakamababa sa matematika at agham. Isang indikasyon ito na ang sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas ay may malubhang problema sa mga unang taon ng programa nito.
Dahil dito, itinutulak ngayon ng DepEd ang kanyang programang Sulong EduKalidad. Tinagurian itong tunay na tugon sa mabilis na pagbabago sa larangan ng edukasyon, mayroon itong apat na aspeto: 1) K-to-12, pagsusuri, at pag-update ng kurikulum; 2) “Improvement” sa kapaligiran ng pag-aaral; 3) Teacher upskilling at reskilling; at, 4) “Engagement” sa mga stakeholder para sa suporta at pakikipagtulungan — K I T E, sa madaling salita.
Sa ganang akin, bilang guro sa kolehiyo, isa talaga itong malubhang suliranin. Mahirap para sa isang propesor na pilitin pang balikan ang mga dapat ay natutunan na ng bata sa high school o elementarya pa nga para lamang maituro ang dapat na tinatalakay sa kolehiyo. Nakaengwentro na ako ng mga ganitong kaso—sa lahat ng uri ng tertiary institution, maging sa mga pinakamahuhusay pa ngang pamantasan ng bansa kung tutuusin.
Itatanong ninyo, paano nakapasok sa kolehiyo ang mga ganyang kabataan kung ganuon? Iyan na nga ang isa pang mahalagang punto: Hindi lamang sa elementarya at hayskul makikita ang suliranin sa kalidad ng edukasyon.
Ang mungkahi ko hinggil dito? Kailangang maghigpit ang mga paaralan at kumuha lamang ng pinakamagagaling na mga guro. Tungo rito, partikular para sa mga local colleges o universities (LUCs), maaaring isaalang-alang ang pagtatatag ng mga Local College Boards (LCB). Kawangis ng mga local school board, ang mga LCB ay mekanismo ng mga lokal na pamahalaan. Ang mga ito ang magbibigay ng puwang para sa mga magulang, mag-aaral, miyembrong guro, at lipunang sibil upang makilahok sa paggawa ng desisyon hinggil sa mga LUC. Ang mga LCB ay maaaring maging inter-LGU o maitatag sa antas ng mga probinsya o rehiyon—dahil ang mga LUC ay hindi lamang tumutugon sa pangangailangan ng mga nasasakupan ng kani-kanilang mga LGU.
Sa pambansang antas, ang CHED, DepEd, at TESDA ay kailangang may mas matinding koordinasyon. Kailangan nilang kumilos upang magbigay ng mas mabisang patnubay sa mga paaralan at pamantasan. Bakit nga ba kasi hiwa-hiwalay pa ang mga ahensiyang ito? Sa aking pananaw, baka mas epektibo (at matipid pa nga) kung isang pambansang ahensiya na lamang ang nangangasiwa sa ating sistemang pang-edukasyon.