Louie C. Montemar
KUNG kapos na kapos na ang badyet ng isang pamilya, ano kaya ang uunahin ng mga magulang na pagkagastahan para mabuhay ang pamilya? Anu-ano nga ba ang prayoridad ng pamilyang Filipino?
Bilang halimbawa, ayon sa mga datos mula sa pamahalaan, unang-una sa listahan ng pinagkakagastusan ng isang pamilyang Filipino ang pagkain at mga inuming di-nakalalasing. Ikalawa ang “Samu’t saring mga bilihin at serbisyo,” at ikatlo ang “Pabahay, tubig, kuryente, gas, at iba pang panggatong.” Pang-apat naman ang transportasyon at ikalima ang komunikasyon. Malinaw naman marahil kung bakit ang mga ito ang nagiging prayoridad—ang pangangailangang mabuhay at kagyat na kabuhayan ang punto.
Sa usaping pambansa naman, gaya ng 4.1 trilyong pambansang badyet ng Pilipinas sa kasalukuyang taon, mas komplikado ang pagsusuri at pag-unawang kinakailangan para mabigyang dahilan ang mga prayoridad sa badyet.
Halimbawa na lamang, kung hihimayin ang itong 4.1 trilyong piso, maraming tanong na maibabato hinggil sa mga prayoridad.
Una at ikalawa sa prayoridad sa badyet ang edukasyon at pampublikong imprastruktura. May 654.6 bilyong piso para sa Departament of Education at 580.8 bilyon para sa Departament of Public Works and Highways. Sa Departament of Interior and Local Government, may 239.8 bilyon, at ang Departament of National Defense ay may 191.7 bilyong piso. May 163 bilyon naman ang Social Welfare at Development, at may 101 bilyon ang Departament of Health. Nasa 99.3 bilyon ang para sa Departament of Transportation, habang ang Agrikultura ay may 62.3 bilyon. Pangsiyam sa listahan ang Departament of Justice na may 40.1 bilyong piso at pangsampung prayoridad na may 25.5 bilyong pisong badyet ang Departament of Environment and Natural Resources.
Sa unang tingin at sa pangkalahatan, tila katanggap-tanggap ang ganitong mga prayoridad at pagtatakda ng badyet. Sino ba namang ayaw makitang ang edukasyon ang unang prayoridad natin sa bansa? Sa pamilya nga, sabi nating mga Pilipino, marami sa atin ang wala naman talagang maipapamana sa ating mga anak kundi edukasyon.
Subalit kailangan talaga ng mas masinop na pagsusuri. Matagal at masalimuot na proseso ang pagbabadyet sa isang bansa at hindi biro ang mga debate at negosasyong nagaganap sa loob ng prosesong ito. Sana lamang ay mas marami ang nabibigyang tinig at naririnig sa proseso. Mahalagang nababantayan ang susing prosesong ito sa ating sistema ng demokrasya. Masasabi pa nga marahil na ito ang puso ng proseso ng pambansang pamamahala.
Tignan na lamang natin ang kaso ng edukasyon. Una ito sa mga prayoridad. Napakalaking halaga ng 654.6 bilyong piso ng Departamento ng Edukasyon o DepEd at nakakalula na ito para sa iba. Datapwa, sa karanasan at pag-aaral ng mga bansang naging pinakamabilis ang pag-unlad, kapos pa nga ito upang suportahan ang ating kinakailangang pagbabago.
Sa pandaigdigang istandard, sinasabing dapat ay hindi bababa sa anim (6) na porsiyento ng halaga ng Gross Domestic Product o GDP ang inilalaan sa batayang sistemang pampaaralan ng isang bansa. Sa kaso ng ating bansa, ang 654 bilyong iyan at 0.77% lamang. Malayo sa mungkahing tantos na 6%.
Kailangan pa ng mas malalim na pagtingin sa mga kinakailangang pagbabago sa bansa. Hindi lahat ng lumaki, o lumiit, ay nagbago na tungo sa kung ano ang nararapat at katanggap-tanggap. #