ANG sakit sa pag-iisip ay dapat hanapan agad ng lunas para makaiwas sa paggawa ng hindi maganda dahil hindi mo makontrol ang iyong sarili.
NI: MARILETH ANTIOLA
MAY mga taong pabago-bago ang timpla, napakalungkot, tawa nang tawa, mayroon naman na bigla-bigla na lang nanakit ng kahit hindi nila kilala, mga taong sinasaktan ang kanilang sarili, na animo’y hindi nila alam ang nangyayari sa kanila.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga tanda o sintomas ng mga sakit sa pag-iisip.
Mood disorders. Kalimitan ang mga taong nakakaranas nito ay pabago-bago ang timpla — malungkot ngayon tapos mamaya masayang-masaya na at tawa nang tawa ng walang dahilan tapos ay malungkot na naman. Ilan sa mga sakit na napapabilang dito ay ang bipolar disorder at ang talamak na sakit ngayon lalo na sa mga kabataaan, ang depression.
Anxiety disorders. Ang mga taong may sakit nito ay madalas nagpapanic dahil nakakaramdam ng takot sa pagtugon sa mga iba’t-ibang bagay. Sila ay nagpapawis ng malagkit dahil sa takot at napapabilis ang tibok ng kanilang puso. Kasama sa mga anxiety disorder ang iba’t-ibang kinakatakutan o phobia, social anxiety disorder, panic disorder at marami pang iba.
Impulse control at addiction disorders. Ang mga taong may ganitong sakit sa pag-iisip ay hindi mapigilan ang kanilang mga sarili sa paggawa ng mga hindi mabuting bagay at ikasisira ng kanilang mga buhay. Ilan sa mga halimbawa nito ang kleptomania o pagnanakaw, pyromania o pagsisimula ng apoy, at maging ang di mapigilang pag-inom, paggamit ng bawal na gamot at pagsusugal.
Kung ikaw ay nakakaranas ng anuman sa mga nabanggit, mabuting magpatingin agad sa espesyalista sa pag-iisip para mabigyan agad ng paunang lunas ang mga karamdaman para hindi na ito lumala.
Ngunit ang isa rin sa pinakamahalagang gawin mo ay magdasal palagi upang makaiwas at makalayo sa anumang sakit sa pag-iisip.