Ni: Jonnalyn Cortez
NAPILI ang dating Ateneo Lady Eagle na si Gretchen Ho na maging isa sa mga torchbearers sa Tokyo 2020 Olympic Torch relay.
Sa kanyang Twitter account, in-attach ni Gretchen ang email na kanyang natanggap. “As the result of a rigorous screening process, you have been officially selected as a torchbearer for the Tokyo 2020 Olympic Torch Relay!” nakasaad sa post.
Nasa 10,000 torchbearers ang nakatakdang sumali sa relay, kabilang na rito si Gretchen Ho. Nilinaw naman niya na hindi siya ang opisyal na flag-bearer ng bansa, ngunit isa lamang sa mga Pilipinong dadalo. “Will definitely be a proud Filipino there though,” wika nito.
Magsisimula ang torch relay sa Marso 26 na may temang “Hope Lights Our Way.” Gaganapin ito sa Fukushima na mayroong 47 prefectures upang ipakita ang iba’t-ibang kultura at atraksyon ng mga rehiyon.
Ayon sa opisyal na website ng Olympics 2020, mananatiling nakasindi ang torch sa loob ng 121 na araw. Nakatakda rin itong magbigay karangalan at maging simbolo ng pagkakaisa sa lahat ng naging biktima ng nagdaang tsunami at lindol noong 2011.
Sisindahan ang apoy sa Olympia, Greece, sa Marso 12 at nakatakda itong dumating sa Matsushima Airbase sa Miyagi prefecture sa Marso 20. Magsimula ang Olympics 2020 sa Hulyo 24.