Louie C. Montemar
MAY ilang buwan na ring inaabisuhan ng PHIVOLCS na maghanda o kaya ay lumikas na ang mga naninirahan sa mga lugar na malapit sa bunganga ng bulkang Taal. Hindi naman nagkulang ang Phivolcs —na isa lamang sa mga ahensiya sa ilalim ng Department of Science and Technology—sa pagbibigay ng babala at mahalagang kaalaman, lalo na para sa mga local government units (LGUs).
Makinig po sana tayo. Maaring maging mas malala pa ang sitwasyon natin bago ito bumuti. Posibleng pumutok nang napakatindi ang Taal at walang makatitiyak kung alin-aling lugar ang pinakamaaapektuhan at kung kailan.
Hindi po ako nananakot. Ibinabahagi ko lamang sa Tagalog at karaniwang salita ang mga iniuulat ng mga eksperto sa Ingles.
Maghanda po tayong lahat. Wala po talaga sa kapangyarihan ng sinoman, lalo’t nag-iisa, ang labanan ang kalikasan. Gawin nating lahat ang kaya natin.
Ang mahalaga, makinig tayo sa abiso ng mga nakapag-aral sa kilos ng bulkan. Ang mga sapilitang pinalikas na ay di na dapat pang umasang basta makababalik sa kanilang dating lugar. Diretsuhan na: Malamang, wala na po kayong babalikan; malupit po ang katotohanan.
Unang-una na, hindi naman po dapat pagbahayan ang mga lugar na pinanggalingan ninyo. Natulog lamang si Taal. Maiksi lamang talaga ang alaala nating mga tao, at mahilig pa tayong sumugal sa buhay. Ang tanong, paano ngayong gising na muli si Taal?
Kaya nga sana nariyan ang pambansang pamahalaan. Hindi ito lokal na usapin lamang. Mabubura nga ang ilang bayan (mabubura posisyon mo Mayor, Oo!), kung sakaling pumutok nang matindi ang Taal. Hindi gagalangin ng bulkan ang mga hurisdiksyon ng tao.
Nangyari na ang ganito noon, subalit parang hindi tayo natuto. Ayun, may nagtatayo pa nga ng mga condo malapit sa bunganga ng bulkan. Hindi ba?
Anong magagawa ni Mayor o Gobernador ngayon? Tanong ng marami. Subalit ang mas mahalagang tanong: Nasaan ang pamumunong pambansa? Nasaan ang plano para sa mga napwersang lumikas? Nasaan ang plano para sa mga mabuburang bayan? Nasaan ang pangmatagalang plano para sa mga mamamayan ng mga bayang malulusaw?
Mas matindi pa nga ito sa Marawi. Dito, walang tunay na babalikan ang marami.
Hindi po sasapat ang mga local calamity funds ng LGUs. Ayon sa isang mungkahi at pagtatantiya mula sa kinatawan ng Albay na si Joey Salceda, kailangan nga raw ng mga 100 bilyong piso para ayusin ang mga lugar na tatamaan ng sakuna. Sanay sina Congressman Salceda sa usaping ito sa karanasan nila sa Mayon.
Iyon nga lamang, sa buong taon ng 2020, wala pa sa 20 bilyong budget ang nakalaan para sa mga pambansang sakuna na pondo ng National Disaster Management and Risk Reduction Council. Mas kailangan po ngayon ang pambansang liderato.
Kailangang ilikas ang higit kalahating milyong tao at matiyak ang kanilang pagpapanibagong buhay sa ibang lugar. Hindi sasapat ang kanya-kanya at kahit pa nga ang mahusay na lideratong lokal gaya ng pinamamalas ng mga apektadong LGUs sa ngayon gaya ng Batangas.
Kailangan higit sa lahat ng kumpas sa taas!