Suklian natin ang mga sakripisyo ng ating mga magulang at gumawa ng mga bagay na ikatutuwa nila.
NI: CHAMPAIGNE LOPEZ
ANG ating mga magulang ay mahalaga sa ating buhay at malapit sa ating puso dahil sa kanilang pagmamahal at mga sakripisyo na walang hinihintay na kapalit. Ngunit sa bawat tulong na ibinibigay nila sa atin, ano nga ba ang magagawa natin upang sila naman ay mapasaya natin? Narito ang mga bagay na maaari mong gawin upang maipagmalaki ka ng iyong mga magulang.
Maging responsable. Ang pagiging responsable sa lahat ng bagay ay ikinatutuwa ng ating magulang dahil para sa kanila, ito ay nagpapatunay na nagtagumpay sila sa pagpapalaki at pagdidisiplina sa atin. Patunay rin ito na sila ay reponsableng magulang dahil napalaki nila tayo bilang mabuting mga tao.
Gawin lahat ng makakaya. Lagi mong subukan na maging magaling hindi man sa lahat ng bagay ay sa abot ng iyong makakaya. Kung ikaw ay estudyante, pagbutihin mo ang pag-aaral. Kung ikaw naman ay nagtratrabaho, tulungan mo ang iyong mga magulang sa mga gastuhin at ibigay din sa kanila ang kanilang pangangailangan.
Maging masunurin. Sa dami ng gawain sa loob ng bahay hindi ito kaya lahat ng ating mga magulang dahil maaring may trabaho rin sila o mahina na at hindi na kaya pang kumilos katulad ng dati. Kaya alamin ang iyong mga responsibilidad at gawin ang mga gawaing bahay. Sumunod din sa kanilang mga utos nang hindi nagrereklamo. Ang pagiging masunurin nating anak ay higit na ikinatutuwa ng ating mga magulang.
Respeto. Huwag tayo makipag-sagutan sa ating mga magulang. Respetuhin natin sila dahil sila ang nagbigay ng ating buhay. Sila rin ang dahilan kung nasaan man tayo ngayon. Bukod pa rito ay sila ang mas maraming karanasan sa atin kaya sila rin ang mas may alam sa buhay kaya marapat lamang na sila ay galangin at sundin natin.